
Puno na naman ng emosyon ang nangyari sa patok na segment na "EXpecially For You" noong Miyerkules (July 24).
Naging usap-usapan pa ng netizens ang nakakaiyak na moment nina Vice Ganda at Jackie Gonzaga.
Nag-umpisa kasi ang lahat nang pinagtripan ng mga host si Jackie na sinasabing siya muna ang mag-host ng segment. Dali-daling umupo sina Vice, Jhong Hilario, at Vhong Navarro sa kanilang upuan, habang iniwang nakatayo ang Ate Girl ng programa.
"Huwag niyo naman akong iwan," hugot ni Jackie.
"Hindi ka namin iiwan. Dito lang kami," sabi ni Vhong.
Nang nakita ni Vice na pabirong nagtatampo ang kaniyang kaibigan, bigla itong tumayo at lumapit kay Jackie.
"Ano ka ba.'Di ba, hindi naman ako nagkulang sa iyo," sabi ni Vice habang hinawakan ang kamay ni Jackie.
Natawa bigla ang Ate Girl host habang na-touch ang madlang Kapuso.
Itinuloy ni Vice ang kaniyang mensahe, "Hindi kita iiwan. Hindi ka namin iiwan. Nandoon lang kami sa tabi. At habang nandoon kami sa tabi, gusto namin maramdaman [mo] na kahit mag-isa ka, sapat ka at kaya mo. Kaya mo. Hindi kami mawawala. Nasa paligid lang kami."
Hindi napigilan ni Jackie ang kaniyang emosyon at biglang napaluha sa sinabi ng Unkabogable Star. Maraming netizens ang na-touch sa sinabi ni Vice at naki-react sa ibang mga host.
"'Di ba lagi kong sinasabi sa iyo? Ano ka ba, kaya mo. Kaya mo," dagdag ng comedian.
Pagkatapos punasan ang kaniyang luha, matapang na sinabi ni Jackie na "Kaya ko" at tinuloy ang hosting ng segment.
Pero dahil emosyonal pa rin ang host, hindi tuloy ito nakapagsalita nang maayos.
Kaya pabirong tanong ni Vhong, "Pero bakit ikaw ang umiiyak? Istorya nila ang pinag-uusapan natin. "
Hindi ito ang unang beses na naging emosyonal ang It's Showtime host dahil ilang beses din ito nagpakita ng emosyon sa programa.
Kamakailan lang, naiyak din si Jackie kasama si Kim Chiu nang pinag-usapan nila ang what if scenarios kasama ang kanilang ex.
Sa noontime program, inamin din noon ng Ate Girl na nasa proseso pa rin siya ng pagmu-move on sa kaniyang dating karelasyon.
Subaybayan ang It's Showtime, Lunes hanggang Sabado,12 noon, sa GMA, GTV, at iba pang Kapuso platforms.
Samantala, tingnan ang mga artistahing 'EXpecially For You' guest sa gallery na ito: