
Nakisaya ang Black Rider stars na sina Ruru Madrid, Yassi Pressman, at Jon Lucas sa It's Showtime ngayong Biyernes (July 26).
Masayang binati ng guest celebrities ang mga manonood sa kanilang pagbisita sa naturang noontime variety show.
Matapos ito, tinanong ng host na si Karylle sina Ruru, Yassi, at Jon, kung kumusta ang experience na makatrabaho ang isa't isa sa iisang proyekto.
Ayon kay Ruru, honored siya na nakatrabaho sina Yassi at Jon sa Black Rider.
“Isang malaking karangalan po na makatrabaho ko po itong dalawang napakahuhusay na artista. Si Yassi, naka-work ko na siya sa Video City, isang pelikula, at ngayon naman sa Black Rider. Si Jon, napakahusay na artista. Sobrang nakaka-proud na nakasama ko siya sa Black Rider,” pagbabahagi niya.
Bukod dito, ipinamalas nila Ruru, Yassi, at Jon ang kanilang dance moves sa stage ng It's Showtime.
Samantala, labis ang pasasalamat ng Black Rider stars sa lahat ng sumusuporta sa kanilang serye mula sa umpisa.
“Talagang ramdam na ramdam po namin ang inyong pagmamahal at suporta. Nine months din po kami sa ere at hindi rin po biro 'yon dahil more than a year kaming magkakasama. Sobrang mamimi-miss namin ang isa't isa pero happy kami na nakapagbigay po kami ng magandang programa para po sa inyong mga manonood," ani Ruru sa Showtime Online U.
Mapapanood ang heroic finale ng Black Rider mamayang gabi, 8:00 p.m., sa GMA Prime at sa GTV sa oras na 10:00 pm.
Subaybayan ang It's Showtime, Lunes hanggang Sabado, 12 noon, sa GMA, GTV, at iba pang Kapuso platforms.