
Hindi mapigilang mapangiti at kiligin ang Kapuso star na si Bianca Umali sa noontime program na It's Showtime nitong Lunes, September 1.
Sa pagbalik ng inaabangang segment na "Kalokalike," isa si Bianca sa tampok na hurado kasama ang Kapuso comedienne na si Rufa Mae Quinto.
Sa pagpakilala ng ikatlong contestant, napatawa na lang ang Kapuso star nang nakilala niya si Kevin, ang kalokalike ng kaniyang real-life partner na si Ruru Madrid.
"Binisita ko lang mahal ko. Ayoko siya maging malungkot kasi," sabi ni Kevin.
Naghandog ng awitin ang kalokalike contestant at hinarana pa ng malapitan ang Kapuso aktres. Game na game din sumakay sa trip si Bianca at hindi maitagong kiligin ito sa buong performance ni Kevin.
Pagkatapos ng kaniyang harana, tinuloy ng kalokalike ang role play niya bilang si Ruru at binanggit pa ang umanong huling pasyal ng couple sa Batangas.
"Kahapon po nasa Batangas kami kasi nag-rides po kami ni Bianca, ang aking mahal," paliwanag ni Kevin.
"Bakit hindi ka nag-a-update?" kunwaring galit tinanong ni Bianca.
"Siyempre, gusto ko ma-surprise 'yung mahal ko para makasama ka," sagot ng kalokalike.
Pero ang kilig ni Bianca napalitan ng tampo nang mali-mali ang sinagot ni Kevin sa couple questions ni Vice Ganda. Mas kunwaring nainis ang aktres noong maling anniversary date ang sinagot ng kalokalike ni Ruru.
"Ilan ba kami?" pabirong tanong ni Bianca.
Dagdag din niya, "Nagsabi ka sa akin papakasalan mo ko [pero] hindi mo alam anniversary natin?"
Kahit biro lang ito, nagulat ang madlang Kapuso pati na rin ang mga host sa "dulas" daw ni Bianca sa planong kasalan nila ni Ruru.
"May revelation, nag-propose na pala Bianca, a. So, may tinatagong proposal?" masayang tinanong ni Vice.
Tinawanan na lang nito ni Bianca kaya biglang pinasa ng mga host ang tanong kay kalokalike ni Ruru.
"Siyempre kailangan sa amin muna iyon," medyo nerbyos sinagot ni Kevin.
Naging usap-usapan ang kanilang kulitan online at umabot pa sa top 5 trending ang segment sa X (dating Twitter).
Subaybayan ang It's Showtime, Lunes hanggang Sabado,12 noon, sa GMA, GTV, at iba pang Kapuso platforms.
Samantala, balikan ang nakakatawang moment nina Bianca Umali at kalokalike ni Ruru Madrid dito: