
Isang maagang pamasko ang hatid ng actor and comedian na si Vice Ganda sa It's Showtime ngayong Biyernes (November 22).
Ipinamalas ng Unkabogable Star ang kanyang vocal prowess nang awitin ang kanyang bagong Christmas song na “Paskong Pinakamasaya.”
Matapos ang kanyang heartwarming performance, ibinahagi ni Vice Ganda kung bakit niya naisipan na maglabas ng bagong Christmas song. Ayon sa host-comedian, ginawa ang awiting ito para sa kanyang asawang si Ion Perez.
“E kasi 'di ba kakatapos ko lang gumawa ng pelikula, 'yung And The Breadwinner Is. Sabi ko, ''Di ba 'yun 'yung mga breadwinner, lalong lalo na sa Pasko, talagang nagkukumahog silang magtrabaho, mag-ipon para may ipapadala sa mga mahal nila sa buhay.
“Lahat ng breadwinners, gagawa at gagawa ng paraan para hindi maging malungkot ang Pasko ng mga pamilya nila. Ito ay pamamaraan ko ng pagbibigay-pugay sa mga breadwinners. Pero ang totoo, 'yang kantang 'yan ginawa ko 'yan para kay Ion,” pagbabahagi niya.
Dagdag pa ng seasoned comedian, matapos ang kumpleto ng kanyang bagong Christmas song ay ipinadala niya ito sa kanyang asawa.
Bukod sa kanyang new Christmas song, bibida si Vice Ganda sa Metro Manila Film Festival 2024 entry na And the Breadwinner Is.
Subaybayan ang It's Showtime, Lunes hanggang Sabado, 12 noon, sa GMA, GTV, at iba pang Kapuso platforms.