
Hindi maitago ang kilig vibes ng madlang Kapuso at hosts sa masayang segment ng "And The Breadwinner Is" sa It's Showtime nitong Martes (December 3).
Sa programa na ito,marami ang naaliw sa paghahanap ng totoong breadwinner na nagtatrabaho sa panaderya. Isa sa highlights ay nang mag-role play sila ng iba't ibang eksena na nangyayari sa araw-araw na buhay sa panaderya.
Sa kanilang pag-arte, may isang role play na kinahiligan ng madlang audience. Sa ikatlong contestant na si Edylyn, kailangan niya raw ipakita kung ano dapat gawin kung merong customer nagpapa-cute sa kanya. Marami ang natawa sa kulitan ng contestant kasama sina Darren Espanto at Ryan Bang. Ang dalawang host ay game umarte ng nagpapa-cute na customer habang si Edylyn ang kahera ng panaderya.
"Actually iba 'yung punta ko dito, e. Gusto ko sana tanungin 'yung number mo kung okay lang?" sabi ni Darren in character.
"Hindi po kasi ako agad nagbibigay ng number. Sorry po. Utos po kasi ng amo namin 'pag oras ng trabaho, trabaho po talaga kami so pasensya po talaga," sagot ni Edylyn.
Lumakas ang tawanan ng madlang audience nang inasar ni Vice Ganda ang contestant.
"Wow! May nagpapa-cute sa'yo, uunahin mo pa trabaho mo? Iwan ang trabaho mo, maglandian ka," biro ni Vice.
Nang tanungin na siya ni Darren na makipag-date, hindi na napigilan ni Edylyn ang kanyang kilig sa Asia's Pop Heartthrob.
"Kinikilig talaga oh," asar ni Jugs Jugueta.
"Namumula si ate oh," dagdag ni Vhong Navarro.
"Teka ate, akting lang ito," hirit ni Kim Chiu.
Mas kinilig ang contestant ng kunwaring pinag-awayan pa siya nina Darren at Ryan.
"Iba si ate pinagkakaguluhan ng mga lalaki. 'Te, ganda mo a! Nanggigigil ako sa'yo." biro ng Unkabogable Star.
Natawa muli ang lahat nang swabeng nasingit ni Vice ang request niyang kumaldag si Darren. Pero marami rin ang natawa nang dinamay ng Chinita Princess ang Kapuso guest nila na si Sanya Lopez sa kanilang kalokohan.
"Parang si Sanya 'yung kinilig nang nagkaldag si Darren," komento ni Kim na natawa na lang si Sanya.
Subaybayan ang It's Showtime, Lunes hanggang Sabado, 12 noon, sa GMA, GTV, at iba pang Kapuso platforms.
Samantala, tingnan dito ang Kapuso celebrities na bumisita sa It's Showtime: