
Gumawa ng kasaysayan ang Filipino singer na si Sofronio Vasquez nang manalo bilang grand champion ng reality singing competition na The Voice USA Season 26.
Siya ay ang kauna-unahang Asian at Pinoy na nagwagi sa nasabing kompetisyon, kung saan siya ay kabilang sa team ng singer-songwriter na si Michael Buble.
Sa episode ng It's Showtime kahapon, live via video call na nakausap ng hosts si Sofronio at nagbigay pa ang huli ng payo para sa mga aspiring singer.
“Siguro ang pinakamagandang advice na maibibigay ko, kahit ilang beses kang na-reject, hindi talaga siya nagpapatunay na wala ka ng chance. Sino ba naman kasi mag-iisip na ako, Bisaya, galing sa Mindanao, trying to just be someone in music and lahat ng auditions sinubukan ko pero 10 years after, naibigay sa akin. So hindi mo lang talaga titigilan,” ani Sofronio.
Bukod dito, nagbigay din si Sofronio ng mensahe para sa kanyang mga tagasuporta.
“Sa kanila pong lahat, maraming maraming salamat po dahil pinatunayan po natin na kahit dito sa Amerika po ay hindi pwedeng talunin 'yung lakas, sipag, at pananampalataya ng isang Pilipino kasi talaga kahit saan namamayagpag po tayo,” aniya.
Ibinahagi rin ng New York-based Filipino na proud siyang nagsimula sa “Tawag ng Tanghalan” ng It's Showtime, kung saan siya'y naging semifinalist.
“Proud po ako na nagsimula ako sa Tawag ng Tanghalan kasi Tawag ng Tanghalan at It's Showtime 'yung unang naniwala sa akin,” saad niya.
Related gallery: Meet Sofronio Vasquez, 'The Voice USA's' grand champion
Subaybayan ang It's Showtime tuwing Lunes hanggang Sabado, 12 noon, sa GMA, GTV, at iba pang Kapuso platforms.