
Isang grand homecoming ang nasaksihan sa It's Showtime kamakailan dahil nagbabalik sa bansa ang “Tawag ng Tanghalan” alum at The Voice USA Season 26 grand champion na si Sofronio Vasquez.
Engrande ang naging opening number ni Sofronio kasama ang ilang “Tawag ng Tanghalan” hurados at mga kampeon ng nasabing singing competition. Labis ang pasasalamat ng Pinoy singer sa bumubuo ng It's Showtime dahil sa pagbubukas ng pangarap sa lahat.
Aniya, “Maraming, maraming salamat po for starting to develop and starting to open up the dreams for everyone.”
RELATED CONTENT: Meet Sofronio Vasquez, 'The Voice' USA's grand champion
Bukod dito, inilahad ni Sofronio na hindi man siya pinalad na magwagi sa “Tawag ng Tanghalan” ay binigyan siya ng trabaho ng It's Showtime bilang vocal coach ng mga sumunod na contestant ng naturang segment.
Aniya, “Hindi naman po nila alam na hindi po tumigil 'yung pangarap ko sa competition. 'Yung Showtime po 'yung mismong nagbigay sa akin ng trabaho at ginawa po akong vocal coach, kaya salamat po.”
Nakatanggap pa si Sofronio Vasquez ng Special Commendation Award mula sa Organisasyon ng mga Pilipinong Mang-aawit. Ito ay pagkilala para sa kanyang historic achievement bilang first Filipino na nagwagi sa The Voice USA at sa kanyang dedikasyon at talento.
Nanalo si Sofronio Vasquez sa 26th season ng reality singing competition na The Voice USA, kung saan naging coach niya ang singer-songwriter na si Michael Bublé.
Subaybayan ang It's Showtime tuwing Lunes hanggang Sabado, 12 noon, sa GMA at Kapuso Stream.