
Patindi ng patindi ang labanan sa malakasang tapatan ng tinig, ang "Tawag ng Tanghalan: All Star Grand Resbakan 2025."
Ilang contenders na ang nagpakita ng galing sa pagkanta at nakakuha ng mga puntos para sa kanilang pangkat.
Ngunit hindi lang ang tapatan ang dapat abangan dahil mas tumitindi rin ang mga hurado sa tinatangkilik na kompetisyon.
Ngayong Lunes (March 17), sinorpresa ng It's Showtime hosts ang netizens nang ipinakilala nila ang bagong bigating hurado--walang iba kundi ang Asia's Songbird, Ms. Regine Velasquez.
"I am very happy and very excited to be here and to hear you sing guys," Masayang sinabi ni Regine sa contenders.
Kitang-kita ang saya ng lahat nang nakasama nila ang award-winning singer sa programa.
"Mula noong nagsimula ang 'Tawag ng Tanghalan,' napakaraming sumasali rito na ang panlaban ay mga awit mo," ani Vice Ganda.
Masaya naman nagpasalamat si Regine sa Unkabogable Star at sa mga taong patuloy tinatangkilik ang kanyang mga awitin. "Alam mo noong time na nagsimula ako, 'yung hindi umaangat ang career ko kasi hindi ako uso. Hindi naging uso 'yung sound ko. Noong finally na nanalo ako ng Asia Pacific Singing Contest, for some reason naging uso siya. Noong actually lumabas [at] naging sobrang sikat ni Whitney Houston isa rin 'yon," aniya. "Kaya ngayon nagpapasalamat ako kasi parang ako na 'yung nagiging ganoon so maraming maraming salamat sa mga kumakanta ng kanta namin nila Lani (Misalucha)."
Bilang dating kontesera, hinikayat ni Regine ang TNT contenders na "huwag kayo hihinto at maghintay lang."
Ang pagiging hurado ni Regine ay pinusuan ng madlang people. Nag-trend pa sa X (dating Twitter) ang "Queen REGINE TawagNgTanghalan" at #SolidShowtimerTayo nang nagbuhos ang excitement ng fans sa segment.
Maliban sa inspiring comments ng Asia's Songbird, marami rin ang natuwa sa kulitan ni Regine kasama ang mga host at ang kanyang asawa na si Ogie Alcasid.
Ginaya pa niya ang iconic comment style ng Pinoy singer na sasabihin ang kahuluan ng pangalan ng contender.
"Mas gusto ko ito. Mas gusto ko 'yung atake. Tanggalin natin 'yung isang gumagawa niyan. Bakit ka pa magbabayad ng dalawa (kung) mas maganda 'yung isa? E, di mas maganda ang pipiliin mo," biro ni Vice.
"Huwag n'yo ako tanggalin!" banter ni Ogie.
"Ay hindi. Nag-usap kami ni Vice," hirit ni Regine. "Secure ka kasi kailangan ko ng pang-shopping."
Subaybayan ang It's Showtime tuwing Lunes hanggang Sabado, 12 noon, sa GMA at Kapuso Stream.
Samantala, balikan ang highlights ng 'Tawag ng Tanghalan All Star Grand Resbakan 2025' media conference, dito: