
Tinuruan ng isang imam si Kapuso Drama King Dennis Trillo ng tamang paraan ng pagdadasal ng mga Mranaw bago siya sumabak sa isang eksena ng cultural drama series na Legal Wives.
Sa isang behind-the-scenes video, makikitang idini-demonstrate ng imam na si Mohammad Macadato Miphantao kay Dennis ang mga kilos at ang pagkakasunod-sunod ng mga kilos ng Salatun Nikah, isang dasal na ginagamit sa mga kasal.
Ang eksenang pinaghahandaan nila ay ang kasal ng karakter ni Dennis na si Ismael sa una niyang asawang si Amirah, na gagampanan ni Alice Dixson.
Ang Legal Wives ay ang kauna-unahang cultural drama na maglalahad ng buhay at pag-ibig ng mga Mranaw.
Tungkol ito sa kakaibang pamilya kung saan pakakasalan ng isang lalaking Mranaw ang tatlong magkakaibang babae para sa iba't ibang dahilan.
Para mapanatiling culturally sensitive ang serye, may iba't ibang consultant sa set tulad ng imam at Mranaw dialect coach.
Bukod kina Dennis at Alice, bahagi din ng serye sina Andrea Torres at Bianca Umali.
Huwag palampasin ang world premiere ng Legal Wives, malapit na sa GMA Telebabad!
Tingnan ang magandang location ng Legal Wives sa gallery na ito: