
"Manifesting" is real para sa Kapuso actor na si Rodjun Cruz.
Inamin niyang nahulaan niyang makaka-love team niya si Jo Berry bago pa i-offer sa kanya ang lead role sa GMA afternoon drama na Little Princess. Sina Rodjun at Juancho Trivino ang leading men ni Jo sa naturang serye.
Unang nagkatrabaho sina Rodjun at Jo sa isang episode ng weekly docu-drama anthology na Wish Ko Lang na umere noong March 2019.
Sa virtual interview ng GMANetwork.com kay Rodjun noong Martes, April 12, kuwento niya, "Nagkwentuhan kami no'n. Ang maganda kasi sa 'min isang araw lang 'yung taping namin no'n pero naging close kami agad.
"Madali kaming naging komportable sa bawat isa 'tapos niloko ko nga siya. Sabi ko, lahat ng mga shows na ginagawa n'ya laging mataas 'yung ratings, laging number one.
"So wala pang Little Princess, sinabi ko sa kanya, ikaw ang prinsesa ng GMA."
Bumida si Jo sa primetime series na Onanay, na isa sa mga high-rating series ng GMA noong 2018. Sa sumunod na taon, naging parte rin siya ng isa pang GMA Telebabad series na The Gift-- kung saan gumanap siyang adoptive mom ni Alden Richards--na tinangkilik din ng mga manonood.
Patuloy ni Rodjun, "Sabi ko, basta wait ka lang ah, magiging magka-love team din tayo 'tapos ang galing ni Lord after two years, eto na dumating na 'yung Little Princess so nagkasama ulit kami."
Tila destiny na magkatrabaho talaga sina Jo at Rodjun.
Pahayag ni Jo, "Masaya ako siyempre kasi one day taping lang 'yon 'tapos may mga inside joke na kami agad kasi hindi ako madali maki-close agad, mataas 'yung guard ko pero sa kanya sa first time naming magka-work, close na kami agad tapos no'ng sinabi niyang siya 'yung makakasama ko sa Little Princess, happy ako."
Ayon kay Jo, hindi pala sa set ng Wish Ko Lang una niyang na-encounter si Rodjun.
Kuwento ng Little Princess lead star, "No'ng bata pa ako, nakikita ko na siya. 'Yung papa ko kasi naka-work si Rayver (kapatid ni Rodjun) 'tapos kasama s'ya no'n so sumama din ako pero 'di kami nag-meet ni Rodjun pero nakita ko na siya dati, 'di pa ako artista no'n."
Panoorin sina Jo at Rodjun sa huling dalawang linggo ng Little Princess sa ganap ng 3:25 p.m. sa GMA Afternoon Prime.
Mapapanood din ang full episodes ng serye sa GMANetwork.com o GMA Network app.
Samantala, silipin dito ang ilang cute outfits ni Jo sa Little Princess: