
Nagsimula na sa wakas ang much-awaited action adventure series na Lolong na pinagbibidahan ni Kapuso Action-Drama Prince Ruru Madrid.
Gumaganap siya sa serye bilang ang titular na si Lolong, isang binatang may kakaibang kakayanan na pagalingin ang kanyang mga sugat at makipag-usap sa dambuhalang buwayang si Dakila.
Ang kuwento ng Lolong ay nagmula sa isang ideya ng award-winning broadcast journalist at Kapuso new pillar na si Jessica Soho.
Inspired ito ng mga kuwento ng mga buwaya at tao na napi-feature niya sa kanyang top-rating at always trending na magazine show na Kapuso Mo, Jessica Soho.
Idinebelop naman ni Assistant Vice President for GMA Public Affairs Lee Joseph Castel ang kuwento bago ito pinalago ng writers ng Lolong.
Kaya naman masaya si Jessica na nabigyang-buhay ng serye ang kanyang story idea.
"Ikinararangal ko pong nagmula ito sa story idea namin ni Lee Joseph Castel at inspired ng istorya namin sa KMJS. Dahil sa ilang pong lugar sa ating bansa, nag-aagawan ng teritoryo ang tao at ang mga buwaya. Paalala lang po siguro ng ating kapaligiran na kailangan natin itong pangalagaan," pahayag niya.
Ayon sa bidang si Ruru, sinikap daw ng buong produksiyon na hindi mabigo ang vision ni Jessica kahit samu't saring pagsubok ang hinarap nila habang binubuo ng programa.
"Every time na may ginagawa akong eksena, grabe ang laki noong scene, parang hindi mo maiisip na nasa pandemic tayo," pahayag ni Ruru.
Mainit naman ang naging pagtanggap ng mga manonood sa unang episode ng Lolong. Nagtala ito ng 17.7% ratings kumpara sa 11.6% ng katapat ng programa ayon sa Nielsen Philippines.
Naging top trending topic din ito sa Twitter Philippines kung saan pinuri ng netizens ang magandang kuwento at nakakamanghang visuals ng serye.
Marami pang dambuhalang sorpresa ang programa kaya patuloy na panoorin ang Lolong, Lunes hanggang Biyernes, 8:00 p.m. sa GMA Telebabad.