
Nakatanggap ng panibagong parangal ang most watched television program of 2022 na Lolong.
Pinili ang serye bilang National Winner para sa Best VFX/Special Effects sa Asian Academy Creative Awards 2022.
Ang Lolong ang magsisilbing representative ng Pilipinas para sa nasabing categorya sa Grand Awards and Gala Final ngayong parating na Disyembre.
Matatandaang bukod sa dambuhalang animatronic prop na si Dakila, mas pinaganda pa ng computer generated imagery o CGI ang Lolong.
Ginagamit ito para sa ilang eksena ng ng mga buwaya, sa pagpapagaling ng sugat ng mga Atubaw at maging set extension o paglalapat ng visual effects para mas maging maganda at makatotohanan ang mga lugar na nakikisa sa programa.
Kahapon napanood ang dambuhalang season finale ng Lolong kung saan nagbakbakan si Lolong (Ruru Madrid) at si Armando (Christopher de Leon) na tuluyan nang naging halimaw matapos magsalin ng dugo mula sa Punong Buwaya.
Kumpirmado namang magkakaroon ng pangalawang season ang Lolong, lalo na at natapos ito sa isang cliffhanger kung saan nakitang may isang kamay na tila may balat ng buwaya at matutulis na kuko ang lumitaw mula sa tubig.
Samantala, panoorin ang featurette na ito tungkol sa GMA Post Production Team na nasa likod ng CGI at visual effects ng Lolong.