
Hindi lang isang mahusay na aktor kundi isang mabuting leader din daw si primetime action hero Ruru Madrdi sa upcoming action-adventure series na Lolong: Bayani ng Bayan.
Ayon 'yan sa aktres na si Jean Garcia na nagbabalik sa ikalawang season ng serye bilang Dona Banson, ang dating first lady ng probinsiya na ngayon ay nasa piitan na.
Personal daw niyang nasaksihan ang pagsisikap ni Ruru na maging maayos ang lahat ng bahagi ng kanilang trabaho.
"'Yung Lolong kasi, sinapuso niya kasi 'to talaga. Hindi lang siya 'yung sa work as an actor, [pero] as a person din. 'Pag may problema sa set, dahil siya ang bida, talagang ginagawan niya ng paraan, paguusapin niya para maging kampante at maging kalmado 'yung set namin," bahagi ni Jean sa media conference ng serye.
Suwerte daw silang co-stars ni Ruru na may ito ang tipo ng katrabaho na talagang may pagkukusa at malasakit sa iba.
"Basically, leader siya. Hindi lang siya aktor, leader din siya ng grupo. Gumigitna siya para magkaintindihan ang lahat. Food nga lang, may problema sa food, punta siya sa production. Pinakikinggan [si Ruru]," aniya.
Dama daw ni Jean ang pagiging tapat ni Ruru at sa tingin niya, ito ang dahilan kung bakit mabuti siyang leader.
"Si Ruru kasi, pakikinggan mo kasi andun 'yung sinseridad eh. Totoo 'yung lahat ng sinasabi niya at ginagawa niya talaga. I'm very very proud of Ruru," paliwanag ng aktres.
Hindi rin pinalampas ni Jean na purihin si Ruru lalo na at galing ito sa pagkapanalo bilang Best Supporting Actor sa 50th Metro Manila Film Festival para sa pelikulang Green Bones.
"Magaling na aktor! Ang laki na (ng improvement). Mula noon hanggang ngayon, malaki ang pagbabago. Saka 'yung doble sipag siya eh, parang 10 times pa nga 'di ba? Napakasigpag na bata," papuri niya.
Abangan ang dambuhalang pagbabalik ng number one adventure serye sa Philippine primetime at 2022's most watched TV show sa pangalawang season nitong Lolong: Bayani ng Bayan, January 20 sa GMA Prime.
Balikan ang unang season ng Lolong: GMANetwork.com/Lolong