
Bahagi ng cast ng upcoming action-adventure series na Lolong: Bayani ng Bayan ang award-winning actor na si John Arcilla.
Marami nang mga karakter na ginampanan ni John na talagang tumatak sa mga Pinoy dala ng husay niya sa pag-arte.
Dahil dito, sisiguraduhin daw niyang iba ang karakter niya sa Lolong: Bayani ng Bayan sa mga ginampanan niya noon.
"Although kaya ka naman kina-cast sa isang project usually is because of your last performance. Usually, tine-take into consideration 'yung dati mong ginawa and that is a challenge for us actors kasi gusto mong gumawa ng bago," pahayag ni John sa media conference ng serye.
Gaganap siya rito bilang Julio, isang misteryosong philantropist na darating sa bayan ng Tumahan.
Isa siya sa mga magiging kalaban ni Lolong, na gagampanan naman ni primetime action hero Ruru Madrid.
"'Yung position noong character ko ay manggugulo sa buhay ni Ruru. Exciting 'yun bilang isang aktor. Masaya kami na bawat bagong proyekto ay mag-e-experiment kami ng bagong character," lahad niya.
"Gusto kong lumikha ng ibang klaseng character. Although may hinihiling ang aming mga manunulat at ang aming direktor na ilang actuations, gusto mong haluan ng bago," dagdag pa ni John.
Inilarawan din niya ang kanyang karakter na maraming itinatagong lihim.
"Ang pagkademonyo dito noong character ko is mas doon pa sa ginagawa ko kaysa sa itsura ko. Mas gusto kong gawing clean 'yung character ni Julio. Exciting dahil mukang guguluhin ko talaga silang lahat," kuwento niya.
SILIPIN ANG PAGHARAP NG CAST NG LOLONG: BAYANI NG BAYAN SA MEDIA RITO: