
Habang nabubunyag ang mga sikreto, mas nagiging intense na rin ang mga eksena sa primetime action series na Lolong: Pangil ng Maynila.
Damang-dama 'yan ni Kapuso actress Shaira Diaz dahil may matinding pinagdadaanan ang karakter niyang si Elsie sa serye.
Ngayong naaalala na ni Elsie ang kanyang nakaraan, naging malupit ang trato sa kanya ng kinakasamang si Ivan, played by Martin del Rosario.
Ayon kay Shaira, talagang na-challenge siya sa mga eksena niya sa serye ngayon. Ibinahagi pa niya ang isang maikling clip kung saan pinagbubuhatan ng kamay ni Ivan si Elsie.
"Yung episode kahapon, this scene at ang mga susunod pa-ang pinakamahirap at pinakaubos-lakas na eksenang nagawa ko sa buong career ko. Salamat sa Lolong team, co-actors, at directors sa gabay at suporta," sulat niya sa Instagram.
Samantala, mukhang malapit nang magkita sina Elsie at Lolong na karakter naman ni primetime action hero Ruru Madrid.
Nagbahagi rin kasi si Shaira ng behind-the-scenes picture nila ni Ruru kasama si Jean Garcia na gumaganap din bilang kontrabida sa serye.
Patuloy na tumutok sa Lolong: Pangil ng Maynila, Lunes hanggang Biyernes, 8:00 p.m. sa GMA Prime.
May delayed telecast din ito sa GTV, 9:40 p.m. at maaaring panoorin online sa Kapuso Stream.