
Nagpaalam na si Kapuso star Yasser Marta sa karakter niyang si Goryo mula sa Lolong: Pangil ng Maynila.
Sa Instagram, nag-post ng ilang litrato si Yasser bilang si Goryo. Sa caption ng kaniyang post, pinasalamatan ng Kapuso actor ang kaniyang karakter at nagpaalam dito.
“Maraming salamat at paalam Goryo! Hindi ka naman masamang tao, may ipinaglalaban ka lang at hindi ka nila maintindihan,” sulat ni Yasser.
Pagbabahagi pa ni Yasser sa kaniyang post, tatlong araw ng taping lang dapat siya sa serye kaya naman, malaki ang pasasalamat niya na umabot siya hanggang sa huling araw nito.
“It was supposed to be a 3 taping day guesting but guess what hanggang last taping day kasama si Goryo. Maraming salamat team Lolong!!”
Sa caption ng kaniyang post, pinasalamatan din siya ni Kapuso Primetime Action Hero Ruru para sa pagiging parte nito ng kanilang action-drama serye.
RELATED: MGA KARAKTER NA NAGING PARTE NG 'LOLONG: PANGIL NG MAYNILA'
Ilang kapwa Kapuso at kaibigan din ang nagsabi na “good job” si Yasser sa role niya bilang si Goryo. Isa na dito ang dancer-host na si Dasuri Choi na nag-aya pang mag-hiking.
Sabi naman ni Kapuso actor Kimpy Feliciano, “Nakakaproud ka brodie!! Salamat Goryo! ”
Nag-post din si Kapuso star Jon Lucas ng mensahe para kay Yasser, “Congratulations brodie!! Job well done!”
Naging parte si Yasser sa ikalawang yugto ng seasong 2 ng Lolong bilang ang basagulerong tambay ng Maynila. Naging matindi rin ang paghahandang ginawa ng aktor sa kaniyang role, at napasabak pa sa action scenes sa unang pagkakataon.
Paglalarawan ni Yasser sa kaniyang karakter sa isang panayam, “Siya 'yung siga ng Maynila. Kumbaga siya 'yung lider, lider ng grupo dito sa Maynila. Makakaaway ko talaga si Ruru, si Lolong. Abangan nila kasi hindi lang masamang tao si Goryo, mayroon din siyang kabutihan sa kaibuturan ng kanyang puso.”
Huwag palamapasin ang pagtatapos ng 'Lolong: Pangil ng Maynila,' ngayong Biyernes, June 13, 8:00 p.m. sa GMA Prime. May delayed telecast din ito sa GTV, 9:40 p.m. at maaaring panoorin online sa Kapuso Stream.