TV

Andrea Torres, makakabangga si Bea Alonzo sa 'Love Before Sunrise'

By Marah Ruiz

Kontrabida si Kapuso actress Andrea Torres sa bagong romance drama series na Love Before Sunrise.

Gumaganap siya sa serye bilang Czarina, ang asawa ng karakter ni Kapuso Drama King Dennis Trillo na si Atom.

"For me, naiiba 'to kasi ang layo-layo sa huli ko pong ginawa. Gusto ko kasi laging nacha-challenge, gusto ko laging nagsu-surprise ng tao. I trust my network 'pag sinabi nilang feeling namin ito 'yung next na para sa 'yo," kuwento ni Andrea.

Madalas niyang makakabangga sa serye ang karakter ni multi-awarded actress and box office icon Bea Alonzo na si Stella, ang ex-girlfriend ni Atom.

"Si Czarina kasi parang akala mo mean lang siya na sosyal na nangti-trip minsan pero makikita niyo dito sa Love Before Sunrise na may malalim siyang pinaghihugutan. Ako kasi, 'pag gumagawa po ako ng character, parang hinahanap ko 'yung puso niya, kailangan maintindihan ko siya, nagiging protective ako sa kanya. Lagi kong iniisip na ganito si Czarina kasi feeling niya deserve niya lahat ng bagay na 'to kasi lumaki siya nang walang love from 'yung parents, 'yung love na gusto niya from the parents and 'yung support na kailangan niya," paliwanag ni Andrea.

Umaasa naman siyang makaka-relate ang mga manonood sa kanyang karakter.

"Challenging 'yun for me na magkaroon ng ganoong lalim si Czarina, na maka-relate pa rin sa kanya 'yung tao. Hopefully maka-connect pa rin sila kay Czarina kasi lahat naman tayo flawed. Ito 'yung chance din na mapakita 'yung story or 'yung journey ng isang taong misunderstood katulad ni Czarina," bahagi ni Andrea.

Ang Love Before Sunrise ay kuwento ng dalawang taong paghihiwalayin ng magkakaibang sirkumstansiya ng kanilang mga buhay.

Sa muli nilang pagkikita matapos ang maraming taon, babalikan nila ang mga "what if" ng naudlot nilang relasyon.

Ang Love Before Sunrise ay collaboration sa pagitan ng GMA Entertainment Group at leading pan-regional over-the-top (OTT) video streaming service na Viu.

Tunghayan ang Love Before Sunrise, Lunes hanggang Biyernes, 8:50 p.m. sa GMA Telebabad, Pinoy Hits at I Heart Movies. May same-day replay rin ito sa GTV, 10:50 p.m. Stream on Viu anytime, anywhere.