
Puno ng excitement si Shaira Diaz para sa bagong pagbibidahang serye sa primetime, ang Lovers/Liars.
Sa pinakabagong collaboration series ng GMA Network at Regal Entertainment, makikilala si Shaira bilang Nika Aquino.
Ayon kay Shaira, halos walang pinagkaiba sa kanya si Nika dahil tulad niya ay very competitive din ang karakter niya rito.
"Matalino siyang babae na may pangarap sa buhay. Pinaghihirapan niya talaga 'yung mga gusto n'yang makamit. Hindi s'ya nagsu-shortcut sa buhay, hindi s'ya nandaraya. Gusto n'ya hangga't maaari mapakita 'yung kakayahan n'ya sa mga colleagues n'ya, sa mga bosses n'ya," pagbabahagi ni Shaira tungkol sa kanyang karakter.
Bago para kay Shaira Diaz ang gagampanang role sa Lovers/Liars dahil sa pagkakaroon nito ng "revenge."
"Ang bago rito sa role ko ay siguro 'yung revenge. Sa mga past projects ko lagi akong mabait, lagi akong naka-oo lang, nakasunod, pero rito kasi dahil nga may mangyayari--paligsahan sa loob ng trabaho, lalaban si Nika rito," sabi niya.
Bukod sa gagampanang role, excited din si Shaira sa mga makakatrabaho sa serye kung saan muli niyang makakatambal si Yasser Marta at sa kauna-unahang pagkakataon ay makakasama niya sa serye ang Optimum Star na si Claudine Barretto.
Kuwento niya, "Ang maganda rito parang love triangle sila nina Yasser [Marta] at Ms. Claudine Barretto. Imagine 'yung kakalabanin ni Nika ay isang Claudine Barretto.
"Sobrang excited ako kasi sa pagkakaalam ko magkakaroon ng revenge si Nika kay Ms. Claudine Barretto. And, may dark side din si Nika rito. Hindi siya forever mabait so dapat nilang abangan 'yan.
"Kay Ms Claudine first time ko siyang makakatrabaho. Alam naman natin kung gaano kahusay si Ms. Claudine, isa s'yang icon, isang s'yang legend kumbaga rito sa industriya natin.
"Sobrang excited akong ma-witness 'yun, alam mo na makaeksena s'ya. Gusto kong maramdaman kung paano s'ya kapag nasa camera na."
Makakasama rin nilang bibida sa Lovers/Liars sina Rob Gomez, Kimson Tan, Michelle Vito, Sarah Edwards, Polo Ravales, Christian Vazquez, at Lianne Valentin.
Abangan si Shaira Diaz sa Lovers/Liars simula November 20, 9:35 p.m. sa GMA Telebabad.
TINGNAN ANG NAGANAP NA MEDIA CONFERENCE NG 'LOVERS/LIARS' SA GALLERY NA ITO: