
Isang malutong na sampal ang natanggap ni Thea Tolentino mula kay Gladys Reyes sa kanilang eksena sa Madrasta. Anang batang aktres, na-miss daw niya ang mga ganitong klaseng eksena kung saan natututo siya sa kanyang mga katrabaho.
Noong November 13, ipinalabas ang komprontasyon sa pagitan ng mga karakter nina Thea at Gladys na sina Katharine at Elizabeth.
WATCH: Ang bangaan sa pagitan nina Katharine at Elizabeth
Ibinahagi naman ni Thea sa kanyang Instagram ang kuha ng eksena sa likod ng camera.
Wika niya, “Elizabeth VS. Katharine. Intense scenes today! Namiss kong masampal ng ganon!
"So grateful na nakakatrabaho ko ang mga mahuhusay na beteranang aktres gaya ni ate @iamgladysreyes. Ang dami kong natututunan kada taping. Love you ate.”
Pinuri naman ni Gladys ang nakababatang Kapuso star.
Tugon niya sa post nito, “Love u @theatolentino thank you for being such a good sport! Natutuwa ako sa passion mo sa trabaho. You will always be my little sister.”
Ang mainit na komprontasyon sa pagitan ng dalawa ay umani rin ng mga positibong reaksyon mula sa kanilang Madrasta co-stars, ibang artista, at pati na netizens.