
Ang komedyante at beauty queen na si Herlene Budol ang bagong leading lady ni Benjamin Alves sa telebisyon.
Makakapareha niya si Herlene sa GMA Afternoon Prime series na Magandang Dilag na acting debut ng aktres.
Ayon kay Ben, "knight in shining armor" siya ni Herlene sa bagong Kapuso drama kung saan gaganap siyang Atty. Eric Oliveros na magiging abogado ni Gigi, na gagampanan ng aktres.
Kahit baguhan si Herlene, hindi raw nahirapan ang aktor na makaeksena ito.
Bahagi ni Ben, "Kung ano naman nakita n'yo sa presscon, 'yun naman si Herlene. Madali lang talaga s'yang kausap, what you see is what you get talaga.
"She's very honest at sinabi ko sa kanya from the get-go, kung anong kailangan n'ya sa set, eksena, andito ko para suportahan ka.
"But honestly, 'di n'ya kailangan. Talagang she's really good with the guidance of our acting coach at saka sila direk."
Talagang maipapakita raw ni Herlene ang pagiging leading lady niya sa Magandang Dilag.
Patuloy pang pagpuri ni Ben sa kanyang kapareha, "Kung nakilala n'yo si Herlene na host, komedyante, beauty queen, dito when the show airs, malalaman n'yo talaga na Herlene is a leading lady. Totoo 'yun."
Maliban kay Ben, leading man din ni Herlene ang newbie actor na si Rob Gomez sa Magandang Dilag kung saan ma-i-involve sila sa isang love triangle.
Mapapanood din sa serye ang mga batikang artista na sina Sandy Andolong, Chanda Romero, at Al Tantay sa isang espesyal na pagganap.
Kasama rin sa cast sina Adrian Alandy, Maxine Medina, Bianca Manalo, Prince Clemente, Angela Alarcon, Muriel Lomadilla, at Jade Tecson.
Magpe-premiere ang Magandang Dilag sa June 26, 3:20 p.m., pagkatapos ng Abot-kamay na Pangarap sa GMA Afternoon Prime.
Ipapalabas din ito sa Pinoy Hits (channel 6 ng GMA Affordabox at GMA Now) at online via Kapuso Stream.
TINGNAN ANG ILANG LARAWAN MULA SA MEDIA CONFERENCE NG MAGANDANG DILAG: