IN PHOTOS: Babae, ikakasal sa nagsamantala sa kanya sa '#MPK'

Isa na namang bagong episode ang hatid ng real life drama anthology #MPK o Magpakailanman ngayong parating na Sabado.
Kuwento ito ni Rose, na sa murang edad ay lumuwas patungong Maynila para magtrabaho bilang isang kasambahay.
Mahinhin at konserbatibo si Rose, kaya agad siyang magugustuhan ni Benji na nagtatrabaho bilang security guard sa subdivision kung saan nakatira ang amo ni Rose.
Aakyat ng ligaw si Benji pero tatanggihan siya ni Rose dahil mas gusto nitong magtrabaho para makapag-ipon at bumalik sa pag-aaral.
Dahil hindi niya matanggap ang paulit-ulit na pagtanggi ni Rose sa kanya, magagawa ni Benji na dukutin ang dalaga at pagsamantalahan ito isang gabi.
Agad naman magsusumbong sa kanyang mga amo ni Rose at tutulungan siya ng mga itong magsampa ng kaso laban kay Benji.
Magiging tampulan ng tsismis ang nangyari kay Rose kaya aatakihin sa puso ang kanyang ama.
Mag-aalok naman si Benji na tutulong sa operasyon at pagpapagamot nito kapalit ng pag-urong ni Rose ng kaso. Bukod dito, aalukin pa niya ng kasal si Rose para patunayan ang kanyang tunay na pag-ibig para sa dalaga.
Dahil kailangan nila ng pera para sa mga gastusin ng ama sa ospital at para na rin iligtas ang anak mula sa iskandalo, tatanggapin ng ina ni Rose ang alok ni Benji.
Ano ang magiging buhay ni Rose sa piling ng taong nanggahasa sa kanya?
Si Kapuso actress Anna Vicente ang gaganap bilang si Rose.
Makakatambal naman niya si Kapuso actor at Bad Boy of the Dance Floor Mark Herras na gaganap naman bilang si Benji.
Huwag palampasin ang brand new episode na pinamagatang "I Married My Rapist" ngayong Sabado, January 16, 8:00 pm sa '#MPK.'
Silipin ang ilang eksena mula sa episode sa gallery na ito.






