IN PHOTOS: Isang mister, lima ang misis sa '#MPK'

Isang kakaibang pamilya ang tampok sa episode ng real life drama anthology na #MPK o Magpakailanman.
Kuwento ito ng isang lalaki na hindi lang isa, kundi umabot ng hanggang lima ang naging misis.
Sabay-sabay niyang nakarelasyon ang mga ito at pinatira pa sa iisang bubong!
Isang negosyante si Joseph at asawa niya si Madel.
Laking gulat na lang ni Madel nang iuwi ni Joseph ang isang babaeng nagngangalang Elaine sa kanilang tirahan. Kasama pa ng mga ito ang dalawa nilang anak.
Dahil nagbanta si Joseph na aalis, mapipilitan si Madel na pumayag sa pagpapatira ng ibang babae sa kanilang poder.
Pero hindi dito nagtapos ang pambababae ni Joseph. Malalaman nina Madel at Elaine na may relasyon si Joseph kay Clarissa. Nang magdalangtao ito, iuuwi rin ito ni Joseph sa kanilang tirahan.
Nagbanta muli si Joseph na iiwan sila, kaya pumayag na rin sina Madel at Elaine sa pagtira ni Clarissa sa kanilang tahanan.
Nang lumaon, matutuklasan naman ni Clarissa na may bagong nobya si Joseph, si Baby.
Tila sa bawat lugar na pagtatayuan niya ng negosyo, nagkakaroon ng bagong karelasyon si Joseph. Umabot nang hanggang lima ang kanyang misis nang madagdag pa si Maureen.
Paano magkakasundo sa iisang bubong ang kakaibang pamilyang ito?
Abangan ang kuwento ng kakaibang pamilyang ito sa episode na pinamagatang "Isang Mister, Lima ang Misis" ngayong Sabado, March 20, 8:00 pm sa '#MPK.'
Samantala, silipin ang ilang eksena mula sa episode sa gallery na ito:






