TV

Magpakailanman presents 'Batik: Ang Santa Claus ng Tarlac'

Ngayong Sabado, sa Magpakailanman bibigyang buhay ni Super Tekla ang makulay na kuwento ni Batik –  Ang Santa Claus ng Tarlac City!

Bata pa lamang ay isa nang mapagmahal na anak at kapatid si Batik. Mahilig siyang magpatawa at magpasaya ng iba, lalo na sa kanyang mga kapatid. Pero sa kabila nito, hindi siya nakaramdaman ng pagmamahal mula sa kanyang sariling ina. Madalas siya nitong saktan at kahit anong gawin niya para mapalapit dito ay lalo lang siya nitong itinataboy palayo. Dahil dito, naisipang lisanin ni Batik ang kanilang tahanan.

Sa lansangan ay matututo siyang kumayod para buhayin ang sarili. Pero ‘di magtatagal ay makakatagpo siya ng isang tao na babago sa kanyang buhay at magtuturo sa kanya kung paanong ang pagtulong sa iba ay maaaring makagamot ng anumang sugat mayroon ang puso ng tao.

Kaya naman, sakay ng kanyang kolong-kolong na naglalaman ng sako-sakong mga regalo, sinimulan ni Batik na magpasaya ng mga bata sa kanilang lugar tuwing Pasko bilang si Santa Claus! Pero magagamot nga ba ng saya at ngiti mula sa mga bata ang sugat ng kanyang kahapon? At ngayong isa na siyang ama, ano kaya ang kakaharapin niyang mga problema na susubok naman sa kakayahan niya bilang isang magulang?

Kasama ni Tekla sa episode sina Ms. Chanda Romero, Gladys Reyes, Odette Khan, Zymic Jaranilla, Diva Montelaba at Arjan Jimenez.

Ang “Batik: Ang Santa Claus ng Tarlac” ay sa ilalim ng mahusay na direksyon ni Rechie del Carmen at mula sa panulat at pananaliksik ni Loi Nova. Mapapanood ngayong Sabado, December 9, sa programang nagpapakita ng tunay na kuwento ng mga totoong tao, Magpakailanman, pagkatapos ng Pepito Manaloto.