
Sa murang edad, mag-isang itinaguyod ni Alma ang kanyang dalawang maliliit na anak matapos siyang iwan ng kanyang kinakasama. Nagtungo siya sa Olongapo City at humingi ng tulong sa kanyang nakatatandang kapatid, pero pinilit lang siya nitong magtrabaho sa isang club. Pumayag naman si Alma at pumasok bilang isang waitress.
Pinagkasya ni Alma ang maliit na kinikita, malamnan lang ang sikmura ng kanyang dalawang supling. Pero nagbago ang lahat nang magkasakit ang isa sa mga ito. Para maipagamot ang anak, napilitan na din si Alma na pasukin ang pagbebenta ng aliw. Iyon na ang naging hudyat ng pagsisimula ng buhay ni Alma bilang isang prostitute. Tuluyan na niyang niyakap ang duming unti-unting bumalot sa kanyang kaluluwa para maging isang kilalang hostess ng Olongapo City, bilang si Ferlina.
Hanggang sa magkrus ang landas nila ni Kit – isa sa mga naging kliyente niyang Amerikanong sundalo na kagagaling lamang sa isang nasirang relasyon. Inalok ni Kit ng trabaho si Alma – ang tumira kasama siya sa iisang bubong, bilang kanyang asawa. Tinanggap ni Alma ang trabaho at ginamit itong paraan para makaalis sa club.
Inalagaan ni Alma si Kit na parang isang tunay na asawa. At habang tumatagal, naramdaman naman ni Alma na iba si Kit sa iniisip niya. Malayo ito sa naririnig niyang mga kuwento tungkol sa mga Amerikanong nananakit at nang-aabuso ng mga tulad niyang prostitute woman. Hindi hinusgahan ni Kit si Alma dahil lamang sa kanyang trabaho. Nirespeto niya ito at tinrato bilang tao. Tinulungan pa ni Kit ang pamilya ni Alma noong nangailangan ang mga ito. Dahil sa ipinakikitang kabutihan ni Kit, unti-unting nahulog ang loob ni Alma dito.
Pero tama bang mahalin ni Alma ang kanyang kliyente?
Masusuklian ba ni Kit ang nararamdaman niya?
Makakaahon pa nga ba si Alma sa mahabang panahong pagkakasadlak niya sa putik ng prostitusyon?
Bilang paggunita sa National Women’s Month, inihahandog ng Magpakailanman ang isang kwentong dala ay inspirasyon at pag-asa para sa mga kababaihan, tampok ang isa sa mga Afternoon Soap Princesses na si Thea Tolentino. Makakasama din niya sa episode sina KC Montero, Tom Olivar, Sheree at Tetay.
Ang Wife for Hire: The Alma Bulawan Story ay sa ilalim ng direksyon ni Dominic Zapata, mula sa panulat ni Vien Ello at pananaliksik ni Loi Nova. Mapapanood ngayong Sabado, March 17, sa programang nagpapakita ng tunay na kuwento ng mga totoong tao, Magpakailanman, pagkatapos ng Pepito Manaloto.