
LENI is a hard working student. Psychology student siya sa araw at waitress naman siya sa isang night club sa gabi upang matustusan ang mga pangangailangan ng kaniyang anak sa pagkadalaga. Sa kabila ng kaniyang trabaho, nanatiling marangal si Leni at hinding-hindi siya nagpapa-table sa mga parokyano sa club.
Ito ay hanggang sa naloko si Leni ng isang kasamahan na aattend sila 'di umano sa isang catering service ngunit sa katotohanan ay sa isang stag party naman pala sila pupunta bilang star dancers. Mababastos si Leni dito at ipagtatanggol siya ng isang lalaki - si BOYET na isang engineer. Nanligaw agad ito sa kanya at dahil tanggap naman ng lalaki ang kaniyang anak, kalaunan ay sinagot na rin niya ang binata.
Ikinasal ang dalawa taliwas sa kagustuhan ng mga magulang ni Boyet sapagkat hindi raw nababagay ang kanilang anak sa isang maruming babae na gaya ni Leni. Matapos ang kasalan ay nalaman ni Leni na mama's boy pala ang kanyang napangasawa!
Tiniis ni Leni ang lahat ng pagmamalupit sa kaniya ng biyenan hanggang sa magkaanak sila ni Boyet at madiskubre niyang may ibang babae ang asawa. Dito na nakipaghiwalay si Leni kay Boyet. Pero ayaw ibigay ni Boyet ang kanilang anak.
Nakiusap si Leni sa mga magulang ni Boyet na tulungan siyang makauwi ng probinsya kasama ang anak. Pinagbigyan naman siya ng mga biyenan kung kaya't kinabukasan ay sinabi ng mga ito na mayroon nang plane ticket si Leni pauwi sa kanila.
Ngunit laking gimbal ni Leni nang sa halip na sa airport ay sa Mental Hospital siya dinala ng van na sinasakyan. Nababaliw na raw siya at dapat i-confine. Tutol si Leni at nagtatangka siyang magpaliwanag pero agad siyang tinurukan ng pampatulog. Sa kaniyang paggising, nagulat na lamang siya nang makitang kasama na niya ang mga baliw sa Mental Hospital!
Paano mapapatunayan ni Leni na hindi siya baliw? Mabawi pa kaya niya ang kaniyang anak o tuluyan na rin siyang masisiraan ng bait sa Mental Hospital?
Ang nakakabaliw na istoryang ito ay hango sa totoong buhay na itatanghal sa Magpakailanman. Ito ay pinamagatang “Sino ang Baliw?” na ipalalabas ngayong ika-23 ng Nobyembre. Sa natatanging pagganap nina Ms. Glaiza de Castro bilang Leni, Snooky Serna bilang Naida, Pancho Magno bilang Boyet, Mike Lloren bilang Noling, Arny Ross bilang Steph, at April Gustilo bilang si Didith. Sa direksyon ni Neal del Rosario mula sa pananaliksik ni Stanley Bryce Pabilona at panunulat ni Vienuel Ello.