
Lalabas bilang mag-ina ang mga aktres na sina Cherie Gil at Gabbi Garcia sa isang episode ng real life drama anthology na #MPK o Magpakailanman.
Sa episode na pinamagatang "Ina Ko, Bugaw Ko," gaganap si Cherie bilang Magda, isang inang mapipilitang gumawa ng hindi maganda para mairaos ang kanyang pamilya.
Ibubugaw niya ang dalagitang anak na si Pia, role ni Gabbi, sa iba't ibang lalaki.
Makikilala nila ang mayamang negosyanteng si Ramon, na gaganapan naman ni Leo Martinez.
Lubos na mahuhumaling si Ramon kay Pia at magiging regular na customer nito. Tutustusan pa niya ang pag-aaral hindi lang ni Pia kundi pati mga kapatid nito.
Magsusumikap naman si Pia na makatapos ng pag-aaral para maiahon ang sarili sa hirap at tumigil na sa pagbebenta ng kanyang puri.
Sa 'di inaasahang pagkakataon, magdadalangtao si Pia dahil sa patuloy niyang pakikipagrelasyon kay Ramon.
Pamilyado na si Ramon kaya gusto nitong ipalaglag ni Pia ang batang dinadala.
Papayag ba si Pia sa gusto ni Ramon? Tutulad ba siya sa kanyang inang si Magda na kinayang ipahamak ang sariling anak?
Abangan iyan sa episode na pinamagatang "Ina Ko, Bugaw Ko" ngayong Sabado, April 17, 8:00 pm sa #MPK.
Samantala, silipin ang ilang eksena mula sa episode sa gallery na ito: