
Major role daw na maituturing ni Herlene Budol o mas kilala bilang si "Hipon Girl" ang kanyang naging pagganap sa GMA real life drama anthology na #MPK o Magpakailanman tampok ang sarili niyang talambuhay.
Sa isang Facebook live video, ibinahagi ni Herlene na nahirapan din siya sa kanyang pagganap sa sarili niyang kwento.
"Mas mahirap palang gampanan yung sarili mo lalo na pag nagpa-flashback sa'yo yung mga throwback (past experiences) na ayaw mo ng magbalik," kuwento niya.
"Major role, kasi buhay ko, ang hirap pala nun yung gampanan mo yung sarili mo, bilang ikaw talaga. Inisip ko nga e, ito na naman yung sakit ng ulo ko, naka-move on na ako dito, naalala ko na naman," dagdag pa niya.
Pero natutuwa raw si Herlene dahil nagawa niya raw nang maayos ang kanyang pagganap sa #MPK.
"Nakakaiyak lang kasi ang saya ko, kasi nagawa ko naman nang tama 'yung buhay ko. Good job, Herlene! Congratulations," pabirong sinabi ni Herlene.
Masaya rin daw siya sa set ng kanilang naging taping dahil sa Kapuso stars na kanyang nakasama gaya nina Gardo Versoza, Maureen Larrazabal, at Maxine Medina.
"Sobrang nag-enjoy lang kami, sobrang parang sila talaga yung pamilya ko. Si Sir Gardo parang siya talaga 'yung papa ko. Si Miss Mau, nako! copy paste, Mama ko tsaka si Miss Mau, sexy body... ang sexy malala, perfect siya.
"Si Ate Maxine, hindi mo akalain talagang sinabi ko sa kanya, 'Sabi ko Te, parang ang sungit mo pa nga nung hindi kita nakakausap.' Sobrang bait! Sobrang bait ni Maxine Medina. Solid ang sayahin niya lang," masayang ikinuwento ni Herlene.
Marami rin daw natutunan ang comedienne at aktres sa kanyang sariling kuwento.
"'Yung mga natutunan ko sa buhay ko 'yun pa rin, gaya nung huwag akong makampante sa kung anong meron ako ngayon. Tapos mahalin ko yung pamilya na meron ako. Hindi lang ako ang nakakaranas ng broken family, so isipin ko swerte pa rin ako kasi nandiyan pa rin naman sila kahit na hindi sila magkasama," paglalahad pa ni Hipon Girl.
Sa ngayon mapapanood din si Herlene sa drama anthology series na Stories from the Heart: Never Say Goodbye, Lunes hanggang Biyernes, 3:25 p.m. sa GMA Afternoon Prime.
Samantala, mas kilalanin pa si Herlene Budol aka "Hipon Girl" sa gallery na ito: