
Hindi pa rin makapaniwala ang Sparkle actress na si Olive May na napabilang siya sa cast ng upcoming Gen Z series na MAKA.
Sa exclusive interview ng GMANetwork.com, ipinarating ni Olive kung gaano siya nagpapasalamat sa bagong blessing na dumating sa kanyang career.
"Sobrang na-shock talaga ako kasi noong nabasa ko 'yung message, 'di ko kinaya like 'Totoo ba 'to?' Mayroon akong show pero nagpe-pray talaga ako na more blessings to come, tapos narinig talaga s'ya so sobrang thankful talaga ako and grateful," masayang sabi ni Olive.
Sa MAKA, makikilala si Olive bilang Livvy, isa sa mga estudyante sa Arts & Performance (A&P) section ng Douglas Mac Arthur High School for the Arts o MAKA.
"I'm playing the role of Olivia Ilagan o Livvy. Si Livvy may pagkarebelde siya since neglected siya. Nagpapapansin siya in a way na parang sa suot niya and kung paano siya makipag-usap," pagpapakilala ni Olive sa kanyang gagampanang karakter.
Sa upcoming teen show ng GMA Public Affairs, makakasama ni Olive ang kapwa niya Sparkle stars na sina Zephanie, Marco Masa, Ashley Sarmiento, Dylan Menor, John Clifford, Sean Lucas, Chanty Videla, at May Ann Basa. Makakatrabaho rin niya ang seasoned actor na si Romnick Sarmenta.
Ayon kay Olive, masaya siya na makasama sa iisang proyekto ang kapwa niya Sparkle stars na naging mga kaibigan na rin niya.
"Makakasama ko pa 'yung mga ka-batch ko rin, sobrang happy kasi friends ko na sila before and we'll be together pa sa set. Ang dami pa naming pagdadaanan na fun moments."
Nang tanungin kung ano ang dapat na abangan ng manonood sa MAKA, sagot ni Olive, "Marami po sobra kasi hindi lang 'to siya like drama lang, lahat ng emotions mararamdaman mo.
"Tatawa kayo, iiyak kayo, magagalit kayo. 'Yung goal nito is ma-reach 'yung Gen Z, para ma-touch 'yung issues na nararanasan natin ngayon, paano i-overcome, at ma-inspire."
Abangan si Olive sa MAKA, simula September sa GMA.