
Buena manong handog ng GMA Network at Regal Entertainment sa 2022 ang seryeng Mano Po Legacy: The Family Fortune.
Isa itong panibagong kuwento na hango sa iconic Mano Po film series.
Isa sa mga bibida dito si Kapuso Primetime Princess Barbie Forteza. Very big blessing daw para sa kanya na mapasama sa serye lalo na at wala siyang Chinese blood.
Bukod ito, batid din daw ni Barbie kung gaano kalaking cultural phenomenon ang Mano Po series.
"Sa totoo lang speechless ako noong nalaman ko [na bahagi ako ng serye] kasi nga we all know kung gaano kalaki talaga and kung gaano naging part na din talaga ng movie industry ang Mano Po. To be part of this ngayon na nasa small screen na siya, I am very proud and I'm very honored to be part of this show," pahayag ni Barbie sa virtual media conference na ginanap nong December 10.
Gaganap si Barbie sa serye bilang si Steffy Dy, isang Filipino-Chinese na mula sa Binondo. Magiging bahagi siya ng mundo ng mayamang angkan ng mga Chan nang magtrabaho siya bilang assistant ni Cristine Chan, karakter ni Sunshine Cruz.
Abangan ang bagong kuwento ng pag-ibig, pamilya at tradisyon ng mga Filipino-Chinese sa Mano Po Legacy: The Family Fortune, ngayong January na sa GMA Telebabad.