
Lubos ang saya ni Dennis Trillo dahil patuloy ang mainit ang pagtanggap ng mga manood sa Maria Clara at Ibarra.
Sa maiksing panayam ng GMANetwork.com kamakailan, inihayag ni Dennis ang kanyang pasasalamat sa masugid na mga manonood ng historical portal fantasy series sa GMA Telebabad.
“Masayang-masaya din,” aniya. “Siyempre, ang gagaling ng mga kasama ko kaya siguro magaganda rin ang reviews, napapansin nila yun, at pinagbubutihan din namin. Importante na mahal mo talaga yung trabaho mo kahit ano pa yung ibigay sa 'yo. Maliit man o malaking role, kailangan talaga pahalagahan mo at saka isipin mo na yun ang chance mo para mag-shine.”
Kaya naman para sa kanya mainam na paghusayan ang kanyang pagganap kay Ibarra, ang bidang karakter sa kilalang nobela ni Jose Rizal na Noli Me Tangere. Sa nobelang ito hango ang istorya ng hit teleseryeng Maria Clara at Ibarra.
Ayon kay Dennis, “Hindi naman [mahirap] basta alam mo yung trabaho mo, ginawa mo yung homework mo, pagdating sa set, madali na lang 'yan.”
Samantala, bukod sa mahuhusay na pagganap ng mga aktor, kinaaaliwan din ng mga manonood ang mga pangunahing taunahan ng serye na sina Ibarra, Klay (Barbie Forteza), at Fidel (David Licauco). Sa katunayan, may ilang ipinagtatambal sina Ibarra at Klay at mayroon ding ipinapareha si Klay kay Fidel.
“Nakakatuwa na may kanya-kanyang opinyon yung mga tao,” reaksiyon ni Dennis tungkol dito.
“May mga iba na gusto Barbie and David, si Klay at saka si Fidel; yung iba naman Ibarra and Klay; nakakatuwa na may mga ganung grupo na iba't iba yung opinyon at the same time nag-e-enjoy pa rin sa mga napapanood nila.”
SAMANTALA, KILALANIN ANG IBA PANG MGA TAUHAN SA MARIA CLARA AT IBARRA SA GALLERY NA ITO: