
Nagpaalam na ang karakter ni Kapuso Drama King Dennis Trillo sa hit historical portal fantasy series na Maria Clara at Ibarra na hango sa dalawang nobela.
Sa ika-102 episode ng serye na umere kagabi, February 21, tuluyan nang namaalam si Simoun. Nilason niya ang sarili sa pamamagitan ng pag-inom ng nitroglycerin nang hindi nagtagumpay ang plano niyang pagpapasabog ng lampara sa kasalan.
Madamdamin ang eksena dahil namatay siyang kasama ang mga kaibigan at muling nabawi ang sarili bilang si Crisostomo Ibarra.
Ibinahagi ni Dennis sa kanyang Instagram account ang isang behind-the-scenes video ng death scene ni Simoun.
Ito rin ang huling taping day niya sa Maria at Clara at Ibarra kaya pinalakpan at hiniyawan siya ng mga co-stars, staff at crew nang matapos niya ang eksena.
Para kay Dennis, ito raw ang isa sa pinakamakabuluhang eksena na nagawa niya.
"Nais kong ibahagi ang mga kaganapan sa pagtatapos ng aking huling eksena, sa maituturing kong isa sa pinaka makabuluhan at importanteng proyektong kinabilangan ko," sulat niya sa Instagram.
Lubos din ang pasasalamat niya sa mga bumuo at sumuporta sa serye.
"Nais kong magpasalamat ng buong puso sa bawat tao ng naghirap para pagandahin ang programang ito, at siyempre walang tagumpay kung wala ang mga tumatangkilik. Salamat sa iyo, na minahal at nag laan ng oras para panoorin ang palabas, tenkyu…mahal ko kayo, hanggang sa muli," pagpapatuloy niya.
Naging top trending topic naman ang official hashtag ng episode ng #MCIPasabog.
Ngayong gabi naman, February 22, nakatakda nang magpaalam si Klay (Barbie Forteza) sa mundo ng El Filibusterismo ngayong tapos na ang kuwento nito.
Ano ang naghihintay kay Klay sa pagbalik niya sa sariling mundo? Ano ang mga aral na babaunin niya rito?
Patuloy na tumutok sa Maria Clara at Ibarra, Lunes hanggang Biyernes, 8:00 p.m. sa GMA Telebabad. May simulcast din ito sa digital channel na Pinoy Hits, habang mapanood naman ang same-day replay nito Lunes hanggang Biyernes, 9:40 p.m. sa GTV.
Maari ring mapanood nang buo at libre ang episodes ng Maria Clara at Ibarra sa GMANetwork.com/FullEpisodes.
Mapapanood naman ang livestream nito sa GMANetwork.com/KapusoStream at sa GMA Network app.
SAMANTALA, NARITO ANG MGA BAGO AT NAGBABALIK NA KARAKTER SA EL FILIBUSTERISMO ARC NG MARIA CLARA AT IBARRA: