TV

Danica Sotto, inaming siya ang nagsisimula ng away nila ni Marc Pingris noon

By Dianne Mariano

Aminado si celebrity mom Danica Sotto-Pingris na siya ang nagsisimula ng away nila ni Marc Pingris noong sila ay bagets pa lamang.

Sa nakatutuwang segment na “Tanungang Pasaway: Pasa-Ball Pa More” ng Mars Pa More kamakailan, kailangan magpasahan ng bola nina Danica at Marc at sasagutin ang mga makalaglag na mga tanong.

Photo courtesy: Mars Pa More

Nang tanungin kung sino sa dalawa ang palaging nagsisimula ng away, sinagot ng celebrity couple na depende raw ito.

Habang hawak ni Marc ang bola at tila'y mukhang nag-iisip ng malalim, pabirong sinabi ni Danica, “Parang gusto mo ipasa sa akin ah?”

Noong bata-bata pa lamang sila, si Danica raw ang nagsisimula ng kanilang away.

Paliwanag niya, “Siguro noong mas bata pa kami. Ngayon kasi wala masyadong pinag-aawayan eh. Mga more of misunderstanding lang about time, certain things.”

Ayon naman kay Marc, mayroon daw sinusunod na military noon ang mga basketball player.

“Kasi kami kapag sinabing 9 call time, dapat nandoon ka na ng mga 7. E, eto [Danica Sotto] noong wala pa kaming baby, pag nag-alarm talaga ako ng 5:30 at aalis ako ng 6. Pagpaalis na ako, siya babangon palang so iiwanan ko siya,” sagot ni Marc.

Dagdag pa ng former professional basketball player, kapag may nahuhuli daw sa kanila sa practice ay kailangan magbayad ng PhP1,500.

“'Yun yung mga away noon,” pagbahagi ni Danica.

Ayon rin sa mag-asawa, wala sa kanila ang hindi marunong humingi ng tawad tuwing mayroong nagawa na kasalanan.

“Nagso-sorry talaga kami sa isa't isa. 'Yun yung sinasabi ko kanina na talagang pinag-uusapan namin. Talagang hindi kami natutulog, talagang nagso-sorry kami sa isa't isa and then pinag-ppray namin para the next time, alam na namin hindi namin napag-aawayan,” sagot ni Marc.

Alamin pa ang buhay mag-asawa nina Danica Sotto at Marc Pingris sa Mars Pa More video sa itaas o panoorin dito.

Para mas marami pang celebrity features tulad nito, huwag palampasin ang Mars Pa More tuwing Lunes hanggang Biyernes, 8:45 a.m. sa GMA Network.

Samantala, muling tignan ang quarantined life nina Danica Sotto and Marc Pingris sa gallery na ito: