
Naging emosyunal ang batikang aktres na si Diana Zubiri sa media conference ng bagong GMA Prime drama-action series na Mga Batang Riles, na nagsisilbi ring marka ng pagbabalik-telebsiyon niya matapos ang limang taon.
Sa Mga Batang Riles, gagampanan ni Diana si Maying, ang ina ng lider ng Mga Batang Riles na si Kidlat (Miguel Tanfelix). Dahil sa hindi sinabing dahilan, mamamatay ang asawa ni Maying at ama ni Kidlat.
"Siguro po, 'yung pinakamahirap na naging eksena ko is 'yung namatay 'yung asawa ko dito," emosyonal na pag-amin ni Diana.
"Parang ayoko siyang, kasi parang nangyari siya sa akin before, so parang ayoko na siyang balikan, ayoko na mag-internalized about doon sa nangyari sa akin dati."
Namatay ang unang asawa ni Diana na si Alex Lopez noong 2010. Mayroon silang anak na nagngangalang King.
Sa ngayon ay happily married na ulit si Diana kay Andy Smith at may dalawa na rin silang anak, sina Aliyah at Mimi.
Ngayong nagbibinata na rin si King, nakaka-relate rin si Diana kay Maying bilang isang ina, lalo na't si Miguel pa ang katrabaho niya na kilala niya simula noong bata pa ito.
"Sinasabi ko sa kanya minsan na nakikita ko talaga na parang anak ko siya doon sa mga eksena kasi medyo doon sa character namin as mag-ina, medyo marami kaming mga hindi pinagkakaunawaaan. Marami kaming mga pinag-aawayan, ganyan," saad ni Diana.
"Minsan talagang ganun 'yung nararamdaman ko kapag pinapagalita ko 'yung anak ko, tas lalaki pa, lalaki 'yung panganay ko, 'yun talaga 'yung magandang hugot ko dito sa show with Miguel, relatable talaga kami."
Mapapanood ang world premiere ng Mga Batang Riles sa January 6, 8:00 p.m. sa GMA Prime.