
Masayang ikinuwento ng aktor na si Anton Vinzon na pati ang ama niyang si Roi ay napabilib niya dahil sa isang eksena sa GMA Prime drama-action series na Mga Batang Riles na pinagbibidahan niya kasama sina Miguel Tanfelix, Kokoy de Santos, at Raheel Bhyria.
Sa panayam ng GMANetwork.com kay Anton sa premiere night ng pelikulang The Last Goodbye na pinagbibidahan nina Matt Lozano at Daniela Stranner, sinabi ni Anton na bumilib sa kanya si Roi sa husay niya sa pag-arte.
Aniya, "'Yung crying scene namin ni Kuya Juls, nung namatay siya, grabe 'yung reaksyon niya doon, 'Nak, ang galing ah, proud ako sa 'yo, pagpatuloy mo lang 'yan! Pero may kulang pa, dapat alalahanin mo 'yung sa nanay mo, dapat meron pa rin emotions na mahal mo pa rin siya, respect pa rin sa kanya kahit sinasampal-sampal ka niya, mahal mo pa rin dapat siya.'"
Sa isang eksena sa Mga Batang Riles, kitang-kita mismo ng karakter ni Anton na si Dags ang pagkamatay ng kapatid niyang si Juls (Abed Green) na kakampi ng kalaban ng Mga Batang Riles.
Dahil dito, si Dags ang sinisisi ni Dolor (Ynez Veneracion) sa nangyari sa anak niya.
Pagpapatuloy ni Anton, "Sabi niya sa akin, focus lang sa trabaho, basta maging mabait ka lang talaga sa mga tao. Very supportive 'yung dad ko."
Sa huli, aminado si Anton na napapagod din siya sa pagtatrabaho pero gusto niyang ipagpatuloy ang karerang nasimulan na niya sa show business para mas maging proud si Roi sa kanya.
Pagtatapos niya, "I'll make sure na maging proud siya sa akin."
Mapapanood si Anton sa Mga Batang Riles mula Lunes hanggang Biyernes, 8:50 p.m. sa GMA Prime at Kapuso Stream.
RELATED GALLERY: Meet Anton Vinzon, the boy next door who steals hearts