
Napasabak sa bakbakan sina Kidlat (Miguel Tanfelix), Kulot (Kokoy de Santos), at Dags (Anton Vinzon) nang makaharap nila ang mga bata ni Matos (Bruce Roeland) sa GMA Prime drama-action series na Mga Batang Riles.
Maraming bata ang tine-train nina Argus (Jeric Raval) at Vergel (Ian Ignacio) kaya naman mas marami ang naging kalaban nina Kidlat, Kulot, at Dags. Sa kabutihang-palad, hindi agad nagpatalo ang Mga Batang Riles at nakagawa sila ng paraan para mailigtas ang kanilang sarili.
Nakita na rin ni Kidlat ang nawawalang kapatid ni Lady (Jillian Ward) na si Gelo (Heath Jornales). Samantala, nailigtas rin nina Sig (Raheel Bhyria) at Lady ang mga madre na balak ring patayin ng grupo ni Matos.
Dahil sa matitinding eksenang ito, pumalo ang ratings ng Mga Batang Riles laban sa mga katapat nitong programa.
Ayon sa NUTAM People Ratings, nakakuha ang Mga Batang Riles ng 7.7 percent sa GTV, mas mataas sa nakuha ng katapat nitong programa sa TV5.
Ano kaya ang mangyayari ngayong hindi pa rin nakakaalis ang Mga Batang Riles sa compound nina Matos?
Patuloy na panoorin ang paaksyon na paaksyon na Mga Batang Riles mula Lunes hanggang Biyernes, 8:50 p.m. sa GMA Prime at Kapuso Stream.