
Bukod sa pressure na mapabilang sa isang higanteng telefantasya, isa pa sa challenges na kinakaharap ng cast ng Mulawin VS Ravena ay ang kanilang mga mahahabang dialogue.
Malalalim daw na Tagalog ang gamit sa kanilang script, pero kahit si Ms. Regine Velasquez-Alcasid na Tagalog na ay nahihirapan pa rin.
"Hirap kaming lahat sa dialogue. Ako Tagalog na ako pero ang hirap pa rin. Ang hahaba ng lines, parang poem. Ang galing ng pagkasulat actually kasi parang poem talaga. Iba siya, ang hirap," kuwento niya sa naganap na press conference para sa Mulawin VS Ravena.
Bukod daw dito ay hindi puwedeng palitan ang mga salita sa kanilang linya.
"Kailangang eksakto ang memorization, verbatim, hindi puwedeng [ad lib]. Ngayon lang ako na the night before, nagme-memorize na ako. Eh dati nga wala akong script, naglalaro lang ako. Kahit 'yung soap ko ganun, titingnan ko lang."
Sa eksklusibong panayam ng GMANetwork.com kay Dion Ignacio, na gaganap bilang si Siklab, kinailangan daw nilang paulit-ulit na sabihin ang mga malalalim na salita para makuha ito.
"Minsan may isa lang na [mahirap] kaya hindi ka makatawid, hindi mo maituloy. Pero basahin mo lang lagi, lagi mong sabihin. Kapag may taping kinabukasan, nagpo-focus ako doon eh. 'Yung mga swabe na sulat lang, okay. Pero 'yung mga malalalim talaga, inuulit-ulit ko."
Dagdag pa niya, "Kasi dito, bawal magdagdag sa script kasi daw baka mag-iba ang meaning. Walang ad lib dito, kaya kapag napanood mo, 'yun ang nasa script."