
Mapapanood na simula April 1 ang much-awaited primetime series na My Guardian Alien, na pagbibidahan nina Marian Rivera at Gabby Concepcion kasama si Max Collins.
Sa naturang serye mapapanood ang unang pagtatambal nina Kapuso Primetime Queen Marian at seasoned actor Gabby.
Related content: Marian Rivera at Gabby Concepcion kasama si Max Collins at iba pang Kapuso stars, nagsama-sama sa story conference para sa bagong serye
Sa naganap na media conference nitong Huwebes, March 21, ibinahagi ni Marian ang kanyang karanasan na makatrabaho si Gabby sa kanilang serye.
“Napakagaan katrabaho. Parang kumbaga sa pagkain, walang tulak kabigin sa kanya. Napakabait katrabaho, napakagaan katrabaho. At saka 'yung mga moment namin, mahilig siyang mag-joke e. So ginagawa niyang light talaga 'yung mga pagkakataon.
“Tapos', may mga pagkakataon na na-appreciate ko siya na pinag-uusapan namin 'yung mga buhay-buhay namin. Kaya nga ang tanong kung mayroon ka man gustong isang cast sa inyo na gusto mong magpalit kayo for one day, sabi ko siya [Gabby Concepcion] kasi nakita ko kung gaano niya kamahal 'yung pamilya niya and 'yun na-appreciate ko sa kanya. Napakabuti niyang tao,” aniya.
Samantala, sa isang panayam, inilarawan ni Marian bilang “perfect project” ang kanyang pagbibidahang serye dahil puwede itong mapanood ng mga anak niyang sina Zia at Sixto.
“Noong pinresent sa akin ito bago pa kami mag-taping, ang ganda ng kwento. Sabi ko kasi, ngayon sa pagbabalik ko after four years, gusto kong gumawa ng isang soap na pwede kong ipapanood sa mga anak ko.
“So, parang ito 'yung nakita kong perfect project na pwedeng panoorin ng mga anak ko kasi sa ngayon gusto kong gumawa ng mga proyekto na mapapanood nila, at the same time, ay masasabi kong talagang good project for me,” kuwento niya.
Kabilang din sa cast ng My Guardian Alien sina Gabby Eigenmann, Raphael Landicho, Kiray Celis, Arnold Reyes, Tanya Gomez, Caitlyn Stave, Josh Ford, Sean Lucas, Tart Carlos, Christian Antolin, Kirst Viray, at Marissa Delgado.