
Patuloy na tumitindi ang bawat kaganapan sa GMA Prime series na My Guardian Alien, na pinagbibidahan nina Marian Rivera at Gabby Concepcion kasama si Max Collins.
Sa “Chika Minute” report ni Lhar Santiago para sa 24 Oras, ibinahagi ng Kapuso Primetime Queen na nasa peak na ang kuwento ng naturang serye, ngunit marami pang dapat abangan na mga kaganapan.
“Andoon na kami sa peak ng aming kuwento na si Venus at syempre si Grace ay nagkabati na at naging magkaibigan na. Pero ang dami pang masalimuot na mangyayari sa ending talaga,” aniya.
Natutuwa rin ang celebrity mom sa reaksyon ng viewers sa pagiging kontrabida sa kanya ng batikang aktor na si Gabby Eigenmann, na gumaganap bilang Ceph sa My Guardian Alien.
“Ha-huntingin ko nga kung saan nakatira si Ceph, e. Pero nakakatawa kasi after ng take, sinasabi ko sa kanya, 'susumbong kita sa asawa ko.' Tapos tawa lang siya nang tawa. Sabi ko, 'palagi kang kontrabida sa buhay ko,'” pagbabahagi niya.
Bukod dito, natapos na ang taping ni Marian para sa upcoming 2024 Cinemalaya film na Balota, na co-produced ng GMA Pictures kasama ang GMA Entertainment Group, in cooperation with Cinemalaya.
Related gallery: The cast of 'Balota' meets at its story conference
Ayon sa aktres, kakaiba ang kanyang naging experience sa naturang pelikula.
Aniya, “Parang dito ko yata na-experience ang lahat ng hindi ko pa na-e-experience sa buong buhay ko in showbiz. Kaya abangan nila 'yan sa first week of August. Very excited talaga ako na maka-attend sa Cinemalaya.”