
Kaabang-abang ang bawat tagpo sa GMA Prime series na My Guardian Alien, na pinagbibidahan nina Marian Rivera at Gabby Concepcion kasama si Max Collins.
Sa “Chika Minute” report ni Aubrey Carampel para sa 24 Oras kamakailan, nagbigay ng pasilip sa magaganap na human-alien wedding nina Carlos (Gabby Concepcion) at Grace (Marian Rivera). Isa lamang ito sa mga dapat abangan sa serye dahil may iba pang mga mangyayari.
Ayon pa sa report, espesyal para sa Kapuso Primetime Queen ang kanyang roles sa My Guardian Alien at sa tulong ng direktor ng serye na si Zig Dulay ay nagawa ng aktres ang mga kailangang emosyon sa pag-transition mula sa taong si Katherine hanggang kay Alien Grace.
“Nand'yan si Direk Zig, parang nag-aayos kami kung ano'ng reaction o hanggang saan level na pwedeng mag-react. So dahil natutunan niya na ito pala ang pakiramdam ng isang tao--alam mo paano magalit, paano ma-inlove, paano maging makipagkaibigan, paano ngumiti--na masarap pala bilang tao na may pakiramdam,” pagbabahagi ni Marian.
Ibinahagi rin ng celebrity mom na nakikita niyang pinapanood ng kanyang mga anak na sina Zia at Sixto ang My Guardian Alien.
Aniya, “One time nga pi-picturan ko sila na nanonood sila. Na-a-amaze sila kasi may mga lumilipad na mga gamit, umiilaw 'yung mata ko, may powers ako.”
Subaybayan ang My Guardian Alien, Lunes hanggang Biyernes, 8:50 p.m., sa GMA Prime. Mapapanood din ito sa Pinoy Hits at Kapuso Stream. Maaari ring mapanood ang serye sa oras na 10:30 p.m. sa GTV.
KILALANIN ANG CAST NG MY GUARDIAN ALIEN SA GALLERY NA ITO.
LINK: https://www.gmanetwork.com/entertainment/tv/my_guardian_alien/20022/meet-the-stellar-cast-of-my-guardian-alien/photo