
Hindi nagpatumpik-tumpik ang lead stars ng upcoming prequel na Pepito Manaloto: Ang Unang Kuwento na sina Sef Cadayona at Mikee Quintos na may pressure sa pagganap nila sa iconic roles na Pepito at Elsa.
Ginampanan ng mahigit isang dekada nina Michael V. at Manilyn Reynes ang karakter ng mag-asawang Manaloto na nagbigay din sa kanila ng samu't saring awards sa nagdaang taon.
Sa panayam ng entertainment press kina Sef at Mikee sa idinaos na virtual grand media conference kahapon, July 14, nagkuwento ang dalawa kung paano nila hinaharap ang expectations ng mga tao sa big project na ito ng GMA Network.
Pahayag ni Sef, “I think inevitable naman talagang kahit ano'ng mangyari magkakaroon ng ganung pressure. Kumbaga ginagamit namin siya in a positive way, na ito 'yung pressure na kailangan 'pag nasa set kami, ibigay namin.
“Una sa lahat masuwerte nga ako kay Mikee na sa eksena, kaya namin aminin kung ano 'yung saan kami medyo mahina at kung saan kami alam namin medyo malakas. Natutulungan talaga namin 'yung isa't isa para ma-portray siya.” puri ng award-winning comedian sa kanyang love team.
Dagdag ng comedian, “Kung ano 'yung gusto nila Direk, and very fortunate din kami nandiyan nga sina Kuya [Bitoy] si Ate Mane, ang daming study material na puwede talaga naming aralin,”
Nakakatawa naman ang hirit n Mikee nang tanungin sa nararamdaman niyang pressure sa pagganap bilang Elsa Manaloto.
Aniya, “Naniniwala din naman po kasi ako na sa acting, there's always room for improvement, always.
“At this point, siguro mas excitement na 'yung nafe-feel ko ngayong papalapit na po tayo sa July 17 at sa airing ng first episode, kasi na-edit na din po ata, bawal na po ata baguhin 'yun tama ba? [laughs].”
Mas ramdam daw ng actress-singer ang excitement sa paparating na pilot episode at naibsan din daw ang kanyang kaba sa tulong ng mga napakahusay niyang co-stars sa Pepito Manaloto: Ang Unang Kuwento.
“Mas nae-excite na po ako ngayon, aaminin ko po 'yung pressure pinaka naramdaman ko first few days nga po ng aming taping, pero soon nawala, dahil sa mga kasama ko na napakagaling na mga artista.
“At rest assured naman po, we can promise na throughout the next few episodes I hope makita niyo din po na mas mae-effort-an pa namin lalo.”
Damhin ang kilig at tamis ng love story nina Pitoy at Elsa sa Pepito Manaloto: Ang Unang Kuwento sa Sabado Star Power sa gabi this coming July 17, pagkatapos ng 24 Oras Weekend.
Silipin ang ilan sa nakaka-good vibes na moments sa taping ng sitcom sa gallery below.
Related content:
Paano pinili ang cast ng 'Pepito Manaloto: Ang Unang Kuwento?'
LIST: 7 reasons to watch 'Pepito Manaloto: Ang Unang Kuwento'