
Bibigyang-buhay ng Sparkle star na si Barbie Forteza ang role bilang Adelina Dela Cruz sa highly anticipated series na Pulang Araw.
Related gallery: 'Pulang Araw' cast ipinakilala sa isang enggrandeng media conference
Sa pagsalang ng Kapuso Primetime Princess sa GMA Integrated News Interviews, ipinakilala niya ang kanyang karakter na gagampanan sa naturang serye.
“Si Adelina Dela Cruz ay half-sibling ni Teresita, played by Sanya Lopez, and Eduardo, played by Alden Richards. Si Alden, kapatid ko sa ina, si Sanya, half-sister ko sa tatay. Kami ni Teresita, mamumulat kami sa mundo ng Bodabil, kasi 'yung tatay namin sikat na Bodabil star, hanggang sa maabot namin 'yung pangarap na 'yon kaso biglang dumating ang giyera sa bansa natin at doon na magsisimula ang masalimuot na journey ng apat na magkakaibigan: si Adelina, Teresita, Hiroshi, at Eduardo,” kuwento niya.
Bukod dito, masalimuot daw ang role ni Barbie sa serye, bagay na naglabas sa Sparkle star sa kanyang comfort zone bilang aktres.
Aniya, “Yung character ko kasi parang magmula bata siya, sinarili niya lahat na parang nung dumating 'yung giyera, doon talaga siya sumabog na hindi na pwede 'to. Hindi na pwedeng inaapi tayo kasi, ako, magmula bata ako, inaapi na ako kasi mahirap kami e.”
Dagdag pa niya, “Masasabi ko rin na ito 'yung pinakamabigat at emotionally challenging for me kasi unlike 'yung previous projects ko, ito kasi inspired by true events. Hango siya sa totoong kasaysayan natin.”
Naniniwala rin si Barbie na importante ang Pulang Araw hindi lamang para sa kanya bilang artista, kundi maganda rin na makita ng viewers ang tunay na mensahe nito at importansya ng proyekto para sa mga Pilipino.
“Ito ay hango sa totoong kwento ng mga Pilipino. Kumbaga, this is very personal to all of us Filipinos. Sa mga social issues natin ngayon, pakiramdam ko ito ang isang proyekto na makakapagpabalik ng pagmamahal natin sa Pilipinas at sa ating kapwa Pilipino,” saad niya.
Abangan ang world premiere ng Pulang Araw sa Lunes, July 29, sa GMA Prime.