
Mapapanood na sa GMA Prime ang highly-anticipated series na Pulang Araw simula mamayang gabi, July 29.
Iikot ang kuwento ng serye sa magkakababata na sina Adelina (Barbie Forteza), Teresita (Sanya Lopez), Hiroshi (David Licauco), at Eduardo (Alden Richards) na namuhay noong 1940s sa kasagsagan ng pamamalakad ng Amerika sa Pilipinas at sa pagdating ng mga mananakop na mga Hapones.
Sa pagsiklab ng World War II, magiging mitsa rin ito ng iba't ibang mga problema sa buhay ng apat na magkakaibigan.
Pero bago ang kapanapanabik na pagtutok sa Pulang Araw, alamin muna ang relasyon ng mga pangunahing tauhan sa serye:
1. Filipina Dela Cruz
Si Filipina Dela Cruz (Rhian Ramos) ay ang butihing ina nina Eduardo Dela Cruz at Adelina Dela Cruz.
2. Eduardo Dela Cruz at Adelina Dela Cruz
Sina Eduardo at Adelina Dela Cruz ay magkapatid lamang sa ina. Si Eduardo ay anak ni Filipina sa isang sundalong Amerikano, habang si Adelina naman ay anak niya kay Julio Borromeo na may-ari ng isang teatro.
3. Julio Borromeo
Si Julio Borromeo (Epy Quizon) ay ama nina Adelina Dela Cruz at Teresita Borromeo.
4. Adelina Dela Cruz at Teresita Borromeo
Sina Adelina at Teresita ay magkapatid lamang sa ama. Si Adelina ay anak ni Julio Borromeo kay Filipina Dela Cruz, habang si Teresita ay anak niya sa kaniyang ligal na asawa na si Carmela Borromeo.
5. Hiroshi Tanaka
Si Hiroshi Tanaka (David Licauco) ay anak ng Japanese immigrants sa Pilipinas na sina Chikara Tanaka (Jacky Woo) at Haruka Tanaka (Mara Ozawa). Si Hiroshi ay magiging kaibigan nina Eduardo, Adelina, at Teresita.
6. Amalia at Lauro
Si Amalia (Rochelle Pangilinan) ay ang pinsan ni Filipina Dela Cruz. Kasintahan ni Amalia si Lauro (Neil Ryan Sese). Sina Amalia at Lauro ang magmamalupit sa magkapatid na sina Eduardo at Adelina.
Ilan lamang 'yan sa mga dapat mong malaman bago manood ng Pulang Araw.
Subaybayan ang Pulang Araw, simula ngayong Lunes, 8:00 ng gabi pagkatapos ng 24 Oras sa GMA Prime.