
It's D-day sa maraming fans ng Pulang Araw dahil ngayong gabi ay mapapanood ang isa sa mga iconic scenes na mangyayari.
Mamaya sa primetime, mapapanood na ang makapigil-hininga at detalyado na pagre-create ng mga nangyari sa Pearl Harbor bombing noong December 7, 1941.
Ang pag-atake ng Japan sa US naval base sa Honolulu, Hawaii ay nagresulta ng pagkamatay ng mahigit 2,400 na Amerikano.
Ayon sa Kapuso Primetime Princess na si Barbie Forteza na gumaganap bilang Adelina, kaabang-abang ang mga susunod na mangyayari sa karakter niya at sa role ni Hiroshi na pino-portray ng Pambansang Ginoo na si David Licauco.
“Tsaka dito makikita natin kung ano ang magagawa ng giyera sa pagmamahalan nina Adelina at ni Hiroshi.
“Sila ba ay magtutulungan o ito ba 'yung magiging dahilan ng kanilang paghihiwalay dahil ang kanilang bansa ay magkaaway,” sabi ni Barbie sa 24 Oras.
Samantala, ibinahagi rin ni First Vice President Post Production Paul Hendrik Ticzon ang ginawa nilang paghahanda para mapaganda ang Pearl Harbor bombing scene sa Pulang Araw.
Lahad niya sa 24 Oras, “We had back and forth with program's historian, historical consultant. Tapos we did our own research. The biggest challenge really was to be historically accurate. Down to the time of day, to the 3D elements.
“So yung look and feel., siyempre it's a live action-theme, so, we wanted to look as realistically possible.”
Ayon naman kay Eric Flordeliza na 3D specialist sa GMA Post Production, naging mabusisi sila kahit sa maliliit na detalye ng eksena na ito sa Pulang Araw kaya inabot ng limang buwan ang pagre-recreate nito sa computer-generated imagery o CGI.
“Ang pinaka-challenging dito 'yung small details na kailangan namin gawin from scratch. Ultimo 'yung gasgas ng eroplano, ultimo 'yung behavior ng bawat elements or kung paano sila lumipad,” kuwento pa niya.
“Or kung paano sila umatake 'yung eroplano. Paano 'yung mga explosions or ano 'yung tamang calculations ng reactions ng mga tubig or nung kailangan namin i-simulate na mga apoy at explosions.
So 'yun 'yung nag-took ng time or 'yung kailangan ng time, para ma-produce 'yung ganun kaganda or ganun kadetalye na mga effects.”
Pulang Araw: Ang mga unang larawan