
Naging emosyonal ang grupong SkyGarden nang marinig ang isa sa kanilang mga kanta sa GMA Prime series na Pulang Araw.
Bahagi kasi ng soundtrack ng serye ang awit nilang "Soredemo (Kahit Na)" kung saan nakasama nila si Kapuso star Jillian Ward.
Bahagi ng cast at nagsisilbi ring language coach sa Pulang Araw ang lead singer ng SkyGarden na si Ryo.
Kaya naman nang sabihan siya ng production team na mapapakinggan na sa episode 62 ng serye ang kanilang awit, minarapat niyang sorpresahin ang kanyang mga kabanda na sina Iwa at Hiro.
"Hindi pa alam nina Hiro at Iwa. They don't know yet. Actually, 'yung creator ng song na ito is Hiro eh so gusto ko talaga i-surprise siya," lahad ni Ryo.
Noong una ay hindi pa naniwala sa magandang balita sina Iwa at Hiro kaya magkakasama nilang pinanood ang eksena ng pagpapaalam nina Hiroshi (David Licauco) at Adelina (Barbie Forteza) sa isa't isa kung saan ginamit ang kanta.
Naging emosyonal ang SkyGarden nang marinig ang kanilang kanta sa eksena. Kinalabutan sila at napaluha pa.
"I'm glad to be alive," sambit ni Hiro.
"Pangarap ko talaga ito eh," dagdag pa niya.
Panoorin ang buong reaksiyon ng SkyGarden sa paggamit ng "Soredemo (Kahit Na)" sa Pulang Araw.
Patuloy na panoorin ang lalong lumalalim ng kuwento ng Pulang Araw, Lunes hanggang Biyernes, 8:00 p.m. sa GMA Prime.
Maaari din itong panoorin online sa Kapuso Stream.
Panoorin din ang same-day replay sa GTV, 9:40 p.m.