
Lubos na nag-enjoy si Kapuso actor Mikoy Morales sa pagiging bahagi ng GMA Prime wartime family drama na Pulang Araw.
Gumaganap siya rito bilang Tasyo, isang guerilla fighter.
Masaya si Mikoy na makapunta sa iba't ibang lugar para sa taping ng serye at ibinahagi niya ang isa sa mga paborito niyang karanasan dito.
"Ang pinaka hindi ko malalimutang moment sa set ng Pulang Araw ay 'yung shinoot namin 'yung escape sa Fort Santiago. 'Yun talaga, I think, one of the few times na talagang actual place 'yung pinag-shoot-an namin," bahagi ng aktor.
Makabuluhan daw para kay Mikoy na maranasan ang mga pangyayari sa isang mahalagang historical site ng Pilipinas.
"May mga ganoong nangyari talaga doon sa Fort Santiago noong time na 'yun. And to, in a way, relive it through the scenes na ginagawa namin--'yung pagtakas and 'yung pagpunta sa dungeons and all, makita 'yung actual walls ng Intramuros na pinag-rapel-an pa namin pababa--hindi ko makakalimutan 'yun," paggunita niya.
Sa nalalapit ng pagtatapos ng Pulang Araw, nasa bingit na ng pagkatalo sa giyera ang mga Hapon.
Hinahanap pa rin ni Col. Yuta Saitoh (Dennis Trillo) si Teresita (Sanya Lopez) at muli niyang makakaharap si Eduardo (Alden Richards).
Nauubusan na rin ng lugar na lilikasan sina Adelina (Barbie Forteza) at Hiroshi (David Licauco) kung saan mananatili silang ligtas mula sa pagbagsak ng mga bomba.
Patuloy na panoorin ang lalong lumalalim ng kuwento ng Pulang Araw, Lunes hanggang Biyernes, 8:00 p.m. sa GMA Prime.
Maaari rin itong panoorin online sa Kapuso Stream.
Panoorin din ang same-day replay sa GTV, 9:40 p.m.
RELATED GALLERY: Pulang Araw: Ang mga larawan bago ang giyera