
Nangyari na ang hindi inaasahan sa GMA teledramang Raising Mamay.
Sa episode ng afternoon series ngayong Miyerkules, May 4, nauwi sa isang malagim na pangyayari ang intensyon ni Letty (Aiai Delas Alas) na komprontahin ang iniidolo niyang si Sylvia (Valerie Concepcion) matapos niyang malaman na anak nito ang pinalaki, inaalagaan, at itinuring niyang tunay na anak na si Abigail (Shayne Sava).
Natunton nga ni Letty si Sylvia para kausapin ito tungkol sa inabandona nitong anak, na bunga ng pagtataksil ni Sylvia at ng asawa ng una na si Bong (Antonio Aquitania) pero siya pa ang higit na naperwisyo.
Ito ay matapos magsabi si Sylvia sa mapang-abuso niyang mister na si Randy (Gary Estrada) na gusto na niyang makipaghiwalay rito.
Pinigilan siya ni Randy dahil may inaalagaan itong imahe bilang politiko hanggang sa pinagtangkaan niya ang buhay ng kanyang misis na isang kilalang celebrity talk show host.
Nakatakas si Sylvia mula sa malupit na asawa at naagaw ang baril na dala nito. Isang malagim na pangyayari ang naging kapalit nito matapos aksidenteng mabaril ni Sylvia si Letty sa ulo dahil sa gulat sanhi ng malakas na putok ng fireworks.
Ito na ang simula ng kalbaryo ni Letty na magkakaroon ng regressive behavioral disorder.
Patuloy na subaybayan ang mga kapana-panabik na eksena sa Raising Mamay mula Lunes hanggang Biyernes, 3:25 ng hapon sa GMA.
Mapapanood din ang full episode ng serye sa GMANetwork.com o GMA Network app.
Pinapaiyak man ng bidang si Aiai Delas Alas ang mga manonood, kabaliktaran naman ito ng mga mangyayari sa likod ng camera.
Tingnan ang masayang set ng Raising Mamay rito: