
Ang batikang aktres na si Eula Valdes ay isa sa leading stars ng nalalapit na GMA Afternoon Prime series na Return To Paradise.
Kabilang din sa upcoming show na ito sina Kapuso hunk Derrick Monasterio, na bibigyang buhay ang role bilang Red Ramos, at Elle Villanueva na gaganap naman bilang Eden Santa Maria.
Sa exclusive interview ng GMANetwork.com, ibinahagi ng seasoned actress na siya ay excited na makatrabaho ang dalawang Kapuso talents sa Return To Paradise.
Aniya, “Excited ako. Si Derrick, naka-trabaho ko na before sa GMA rin. Although, wala kami masyadong scenes together and tinatanong ko pa nga kung kamag-anak niya before si Ms. Tina Monasterio.
"Si Elle, first time kong makakatrabaho.”
Ayon pa kay Eula, siya ay bukas sa pagkakataon na makatrabaho ang mga nakababatang artista.
“I'm always excited and wine-welcome ko ang pagkakataon na makatrabaho ang mga batang artista natin ngayon kasi s'yempre iba rin 'yung vibes na makukuha mo and ibang energy din ang maibibigay sa'yo. So, wine-welcome ko 'yung mga ganyan na pagkakataon,” pagbabahagi niya.
Bukod dito, excited din ang aktres sa kanyang pagbabalik sa Kapuso Network at pinasalamatan pa niya ang GMA-7 para sa pagkakataong ito.
Wika niya, “Excited ako to be back with GMA kasi ang tagal na rin naman and I would like to thank GMA rin. Swak na 'yung schedule ng paggawa ng bagong [show], kumbaga fully charged na ako.”
Kabilang din sa star-studded cast ng Return To Paradise sina Teresa Loyzaga, Ricardo Cepeda, Liezel Lopez, Kiray Celis, Karel Marquez, Paolo Paraiso, at Allen Dizon.
Ang creative team naman ay binubuo nina Creative Head of Afternoon Prime Dode Cruz, Creative Consultant Kit Zapata, Head Writer Renato Custodio, and writers Tina Samson-Velasco, Glaiza Ramirez, at Wiro Michael Ladera.
Ang Return To Paradise ay nasa ilalim ng direksyon ni Don Michael Perez.