
Nakikita umano ng Sparkle star at Royal Blood actress na si Rabiya Mateo ang co-star at leading man niya sa serye na si Dingdong Dantes bilang isang mentor, lalo na pagdating sa acting.
Sa interview ng GMANetwork.com, inamin ni Rabiya na minsan ay natatakot siya na hindi niya mabigay sa isang eksena ang hinihingi sa kaniya ng kanilang direktor na si Dominic Zapata.
Ngunit ayon sa aktres, napaka-supportive ni Dingdong sa kaniya at minsan ay pine-pep talk pa siya nito bago magsimula ang eksena nila, isang bagay na ayon kay Rabiya ay hindi basta makukuha sa ibang mga aktor na focused din sa kani-kanilang mga karakter.
“Pero kay kuya Dong, hindi talaga siya madamot to share his experience and bukas na bukas siya for my character na makasabay din sa energy ng scene,” sabi nito.
BALIKAN ANG PAGGANAP NI RABIYA BILANG SARILI NIYA SA MAGPAKAILANMAN SA GALLERY NA ITO:
Sa naunang interview ni Rabiya noong March, ibinahagi niyang sumabak siya sa mga acting workshop para ma-improve ang kanyang acting skills, lalo na nang makasama siya bilang isa sa mga stars ng mystery-thriller series.
“Nag-a-acting workshop po talaga ako almost every week para po mabigay ko talaga 'yung lahat-lahat para sa role na 'to,” ani Rabiya.
Ayon pa sa dating beauty queen, “I can't imagine myself doing those scenes na wala akong background with my workshops.”
Dagdag pa ng aktres, ang acting coach niyang si Anna Feleo ang tumulong sa kaniya na maging bukas sa nararamdaman tuwing gumagawa ng eksena.
“Kasi 'yung acting, it's not an intellectual task, it's not an intellectual skill. Hindi dahil alam mo 'yung dialogue mo, 'yun na 'yun. You have to really feel it, and dapat hindi siya utak, emosyon siya,” sabi ng aktres.
“So I'm just blessed na I'm surrounded by good people who want to see me do well, to see the potential in me, at excited ako kung saan pa dadalhin ng kwento si Tasha,” dagdag nito.