Ikinagulat ng Royal Blood viewers ang bagong sikretong nabunyag tungkol kay Margaret--ang pagkakaroon niya ng sakit na alopecia, kung saan nalalagas ang buhok nito.
Sa episode 55 ng Royal Blood na napanood noong Biyernes, September 1, nalantad sa lahat ng mga tao sa mansyon ang sakit na itinatago ni Margaret (Rhian Ramos) matapos sila muling magkasagutan at magkapisikalan ni Beatrice (Lianne Valentin) dahil sa secret affair ng huli kay Andrew (Dion Ignacio).
Sa loob lamang ng 17 hours, agad na umani ng 4.5 million views sa Facebook page ng GMA Drama ang clip ni Margaret kung saan nabunyag ang pagkakaroon niya ng sakit na alopecia.
Umani ng iba't ibang reaksyon mula sa manonood ang panibagong rebelasyon na ito sa Royal Blood kung saan, ani ng netizens, ramdam na ramdam nila ang sakit na nararamdaman ni Margaret.
Bukod sa pinag-usapan online, humataw rin sa ratings ang bagong rebelasyon na ito ng Royal Blood na umani ng 12.1 percent base sa Nutam People Ratings ng pinagkakatiwalaang market research firm na Nielsen Philippines.
Balikan ang maiinit na tagpong nangyari sa episode 55 ng Royal Blood sa gallery na ito:
Sa episode 55 ng Royal Blood, panibagong sikreto ang natuklasan tungkol kay Margaret (Rhian Ramos).
Sa pagtatalo nina Margaret (Rhian Ramos) at Beatrice (Lianne Valentin) tungkol sa secret affair ng huli kay Andrew (Dion Ignacio), hindi naiwasang magkapisikalan ang dalawa at nalantad sa mga tao sa mansyon ang sakit na itinatago ni Margaret--ang pagkakaroon nito ng Alopecia kung saan nalalagas ang buhok nito.
Kitang-kita ang pagkagulat ng lahat nang makita ang kalagayan ni Margaret (Rhian Ramos). Dahil sa nangyari, napahagulhol na lamang si Margaret.
Sinubukang kausapin ni Napoy (Dingdong Dantes) si Margaret (Rhian Ramos) na wala siyang dapat na ikahiya tungkol sa sakit nito. Pero mas nanaig pa rin kay Margaret ang iisipin sa kanya ng ibang tao.
Ipinamukha naman ni Kristoff (Mikael Daez) kay Beatrice (Lianne Valentin) na ang huli ang nagsimula ng gulong mayroon ngayon ang kanilang pamilya dahil sa affair nito kay Andrew (Dion Ignacio).
Nabigo naman sina Andrew (Dion Ignacio) at Louie (James Graham) na damayan si Margaret dahil mas pinili ng huli na mapag-isa.
Hindi na natiis ni Diana (Megan Young) ang pag-uugali ni Kristoff (Mikael Daez) at binantaan ang asawa na umayos dahil makikita nito ang kaya niyang gawin sa oras na mawalan siya ng respeto.
Kinausap naman ni Napoy si Beatrice tungkol sa nangyari at pinayuhan ang kapatid na huwag sumukong magbago.
Pinuntahan ni Beatrice (Lianne Valentin) si Margaret (Rhian Ramos) sa bahay nito na may dalang alak. Habang hinahanap ang kapatid may nakita itong nakabukas na Bibliya na sa Psalm 23.
Dito na nakarinig si Beatrice (Lianne Valentin) ng umaagos na tubig at nakita ang nakahandusay na katawan ni Margaret (Rhian Ramos). Pinagtangkaan ng huli na kitlin ang sariling buhay.
Patuloy na subaybayan ang kaabang-abang na mga tagpo sa Royal Blood, Lunes hanggang Biyernes, 8:50 p.m. sa GMA Telebabad.