Trending online ang pinakainaabangang rebelasyon sa Royal Blood kung saan ibinunyag na kung sino ang pumatay kay Gustavo Royales.
Marami ang nagulat sa ginawang pag-amin ni Margaret sa pagpatay kay Gustavo, gayundin ang humanga sa mahusay na pagkakasulat ng karakter nito sa pambihirang murder-mystery series.
Agad na nag-trend kahapon (September 18) sa Twitter Philippines ang hashtag ng episode 66 na "RBEntrapment," maging ang pangalan ni "Rhian Ramos" at ng karakter nitong si "Margaret."
Wala pa mang isang araw mula nang umere ang nasabing episode ay agad na nakakuha ng milyon-milyong views online ang clips nito. Umani rin ng iba't ibang reaksyon mula sa Royal Blood viewers ang intense na mga eksena ng ginawang entrapment ng mga pulis at ni Napoy (Dingdong Dantes) para tuluyan nang mahuli ang pumatay kay Gustavo.
Bukod sa trending ang serye, humataw rin sa ratings ang episode na ito ng Royal Blood na pumalo sa 11.4 percent base sa Nutam People Ratings ng pinagkakatiwalaang market research firm na Nielsen Philippines.
Balikan ang exciting na mga tagpo sa episode 66 ng Royal Blood sa gallery na ito:
Para tuluyan nang mahuli ang killer ni Gustavo (Tirso Cruz III), nagsagawa ng entrapment ang mga pulis at si Napoy (Dingdong Dantes).
Sa harap ng mga Royales, sinabi ni Sgt. Masangkay (Geraldine Villamil) na may nakitang bakas ng lason at wine sa syringe na ipinadala sa kanila na nagma-match sa nakita sa autopsy ni Gustavo. Dagdag pa nito, may nakita ring fingerprints sa hawakan ng syringe na nangangahulugang malalaman na nila kung sino ang pumatay kay Gustavo.
Para masigurong hindi makakatakas ang killer, nagpadala na rin ng advance team si Sgt. Masangkay na magbabantay sa buong Royales Estate.
Isa-isang binantayan ng mga pulis ang bawat kilos ng mga Royales. Sa pagsunod ni Emil (Arthur Solinap) kay Diana (Megan Young), nakita nito ang perang itinatago ng huli.
Binantayan naman ni Ryan San Diego (Andrew Gan) si Beatrice (Lianne Valentin) at hindi ito ang salarin na kanilang hinahanap.
Muling nagkatapatan sina Napoy (Dingdong Dantes) at Kristoff (Mikael Daez) nang sundan ng una ang huli sa kwadra ng mga kabayo. Alam ni Kristoff na entrapment ang ginagawa ng mga pulis at sinabi nito kay Napoy na hindi siya ang killer.
Nahuli ni Sgt. Masangkay ang pagkuha ni Margaret (Rhian Ramos) ng isang syringe mula sa vault nito. Dito na niya inalerto ang lahat na si Margaret ang salarin. Itinanggi naman ni Margaret na hindi siya ang killer at ang nakitang syringe ay para sa kaniyang alopecia.
Tuluyang naghinala si Sgt. Masangkay kay Margaret nang tumanggi ang huli na ipasuri ang nakitang syringe sa kaniya. Nanlaban din si Margaret at sinaktan si Sgt. Masangkay.
Umakyat si Margaret sa bubungan ng bahay upang makatakas kay Sgt. Masangkay. Dito na niya inamin na siya ang pumatay kay Gustavo Royales.
Si Margaret ang lumason kay Gustavo Royales dahilan ng pagkamatay nito.
Pinakiusapan naman si Margaret ng mga kapatid na bumaba na pero hindi ito nakinig.
Si Margaret ang pumatay kay Gustavo Royales. Pero may kasabwat daw ito? Sino kaya iyon? Patuloy na subaybayan ang kaabang-abang na mga tagpo sa huling apat na gabi ng Royal Blood, 8:50 p.m. sa GMA Telebabad.